‘Pinas ibabandera ni EJ Obiena sa SEA Games at Asiad

HANDA ang Philippine Olympic Committee na suportahan si pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena sa dalawang malalaking kompetisyong nakatakda ngayong taon na Southeast Asian Games at Asia Games.

Ito ay sa kabila ng pagsuspinde ng tulong pinansiyal kay Obiena ng kinaaanibang national sports agency na Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) dahil sa hindi pa natatapos na sigalot sa pagitan nila.

Nakatakdang ipagtanggol ng Pilipinas ang pangkalahatang kampeonato sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa darating na Mayo. Sisikapin din ng mga pambansang atleta na mahigitan ang apat na gintong medalyang nabingwit sa nakaraang Asian Games noong 2018 sa Indonesia, sa susunod na XIX Asiad sa Hangzhou, China sa Setyembre.

Ayon sa POC, mahalagang masundan ang magandang performance ng ating mga atleta sa nagdaang Tokyo Olympics, kung saan nakuha ng bansa ang kauna-unahang ginto sa quadrennial meet sa pamamagitan ni weightlifter Hidilyn Diaz.

Maliban dito, nakapagbulsa rin ng dalawang silver at isang bronze ang mga boksingerong sina Nesthy Patecio, Carlo ­Paalam at Eumir Marcial, ayon sa pagkakasunod.

At bagama’t hindi nag-podium finish ang mga inaasahan ng sports agency na sina gymnast Carlos Yulo at Obiena sa ­athletics, inaasahang makababawi sila sa mga darating na kompetisyon patungo sa inaasam na 2024 Paris Olympics.

Samantala, kamakailan lang ay muling iginiit ng POC na si Obiena pa rin ang kakatawan sa bansa sa SEA Games at Asiad, kahit hindi siya iendorso ng kanyang lokal na pederasyon.

Si EJ ay kabilang sa ipadadala sa ilalim ng “appeals” list ng bansa sa Hanoi SEA Games at hindi kasama sa unang listahan na 584 na atleta. Ang appeals list ay kinabibilangan ng 80 atletang kakatawanin ang iba’t ibang National Sports Associations (NSA).

Kahit walang endorso ng kanyang pederasyon, ang isang miyembro ng International OIympic Committee ay may kapangyarihang humirang ng atletang kakatawan sa isang bansa sa ilalim ng Rule 27 ng IOC Charter.

Ayon sa naturang probisyon, “the NOC is the sole ­authority who submits the delegation proposed by the NSA, whether NSA or what, of the final list on all Olympic,
regional, continental, and all world tournaments ­patronized by the IOC.”

Dagdag ng POC: “This ­(Obiena-PATAFA issue) will be a test case, the big question here is if that athlete really has a big potential, will we not endorse him/her just because of this case? Can we deprive a country of (the chance) of winning a medal?”

Ang gusot sa pagitan ni Obiena at PATAFA ay nag-ugat sa akusasyon ng huli na pinalsipika ng una ang kanyang liquidation documents sa mga nagastos sa paghahanda niya sa nakaraang Tokyo Games, kabilang ang hindi pagbibigay sa buwanang suweldo ni Ukranian coach Vitaly Petrov.

Kapwa itinanggi nina Obiena at Petrov ang paratang ng PATAFA, na naninindigan din sa kanilang naging hakbang.

279

Related posts

Leave a Comment