PINAS SUMURENDER NA SA CHINA?

recto bank12

(NI BERNARD TAGUINOD)

“PAGSURENDER  na ‘yan sa China.”

Ganito inilarawan ng isang opposition Congressman pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa suhestiyon ng China na magsagawa ng ”joint investigation” sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Filipino sa loob ng teritoryo sa West Philippine Sea.

“It’s willful surrender of our sovereignty just the mere fact na pumayag tayo sa mungkahi ng China about bilateral investigation  and even dismissing the claims of our fishermen that they were rammed by a Chinese boat ,” ani Akbayan party-list Rep. Tom Villarin.

Ayon sa mambabatas, kung mayroong dapat iiral na batas sa imbestigasyon ay ang batas ng Pilipinas at hindi ang China subalit hindi aniya mangyayari ito kapag nagkaroon ng joint investigation.

Maliban dito, walang karapatan ang China na sumali sa imbestigasyon ng Pilipinas dahil sila ang illegal na pumasok sa ating teritoryo sa Recto Bank kaya nalagay sa panganib ang mga mangingisdang Filipino.

Magugunita na noong Hunyo 9, o Filipino-Chinese friendship day ay binangga ng isang Chinese vessel ang f/b Gem-Ver 1 sa Recto Bank at nabunyag lamang ito noong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan.

Bahagyang lumubog ang bangkang pangisda ng mga Filipino subalit iniwan ito ng Chinese vessel na hinihinala ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na hindi simpleng mangingisdang Chinese kundi mga Chinese militia na idineploy ng China sa West Philippine Sea.

Ayon kay Villarin, sakaling ituloy ang joint investigation, huwag na rin aniyang umasa na magkaroon ng katarungan dahil ngayon pa lamang ay tila kinakampihan na ng gobyernong Duterte ang China.

“Alam na lutong Macao ang gagawin ng Malacanang para ipalabas na aksidente ito at ang may kasalanan yung ating mangingisda dahil hindi dapat sila nandun. Parang ang Recto Bank ay pagmamay-ari na ng China,” ayon pa kay Villarin.

 

194

Related posts

Leave a Comment