Pinasalamatan saka sinermunan MPD COPS DISMAYADO KAY SEC. BELLO

MAKARAANG magpasalamat si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga tauhan ng Manila Police District Theft and Robbery Section matapos mabawi ang kanyang cellphone mula sa mga snatcher, ay sinermunan ang mga ito ng kalihim.

Ayon sa isang operatiba ng MPD-TRS na tumangging magpabanggit ng pangalan, binigyang-diin umano ng kalihim na kung ordinaryong tao ang naagawan ng cellphone ay magtatagal o baka hindi raw maresolba ang kaso.

Bunsod nito, dismayado ang mga pulis sa nasabing opisyal at iginiit na tinupad naman nila ang kanilang tungkulin para masakote ang mga suspek na dati na anilang may record ng pagnanakaw ayon sa talaan ng MPD.

Matatandaan, noong Biyernes ng hapon, hinablot ng isa sa mga suspek ang iPhone Pro Max na hawak ng kalihim habang lulan sa nakaparada niyang sasakyan sa may Mehan Garden sa Arroceros St., Ermita, Manila.

Agad namang nadakip ng mga awtoridad ang apat sa mga suspek at nabawi ang cellphone ng kalihim, habang tinutugis pa ang lider ng mga ito. (RENE CRISOSTOMO)

102

Related posts

Leave a Comment