OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
NANAWAGAN ng tulong ang isang overseas Filipino worker (OFW) na si Aida Antazo Aliñabon, 50-taong gulang, matapos siyang saktan ng kapwa manggagawa at mawalan ng mga personal na gamit habang nasa Kuwait.
Si Aida, na isang domestic worker, ay dumating sa Kuwait noong Abril 25, 2025 sa ilalim ng Raffah Hassan Aldhafeeri Manpower Recruitment Office.
Sa unang tatlong buwan, nagtrabaho siya sa isang pamilya ngunit humiling ng reassignment dahil sa sobrang bigat ng trabaho, lalo na’t lima ang batang inaalagaan. Inilipat siya sa panibagong employer na may catering business.
Ayon kay Aida, hindi siya direktang nakatalaga sa bahay kundi sa negosyo ng amo, kung saan tumutulong siya sa paghahanda ng pagkain.
Subalit nagkaroon umano ng alitan sa kusina nang pagalitan siya ng kanyang kasamahan dahil hindi niya agad nagawa ang isang salad.
Ayon kay Aida, nagsimula itong sumigaw at murahin siya, kaya’t sumagot siya upang ipagtanggol ang sarili. Ilang sandali ang lumipas, habang siya raw ay nakatalikod at naghuhugas ng blender, bigla siyang sinuntok sa mukha ng kasamahan niya.
Nahimatay raw siya at nagkaroon ng matinding pamamaga at pasa sa mukha, ngunit iginiit pa umano ng amo na ipagpatuloy niya ang trabaho kahit masama ang kanyang pakiramdam.
Dahil sa takot at pangamba, nagtungo si Aida sa Embassy ng Pilipinas upang magsampa ng reklamo. Siya ngayon ay pansamantalang nanunuluyan sa shelter.
Ayon sa kanya, hindi na siya kinakausap nang maayos ng kanyang agency at sinabi umanong itinapon na ng kanyang employer ang lahat ng kanyang mga gamit, dahilan upang wala na siyang maisuot na damit. Dagdag pa rito, binalaan pa umano siya na maaaring sampahan ng kaso.
Hiling ngayon ni Aida na maibalik ang kanyang mga gamit at matulungan siyang makauwi nang ligtas sa Pilipinas. Nanawagan siya sa kinauukulang mga ahensya tulad ng OWWA, DMW, at Embahada ng Pilipinas na bigyan siya ng agarang tulong, proteksyon, at hustisya.
101 