RAPIDO ni PATRICK TULFO
PATULOY pa rin po tayong nakatatanggap ng mga tanong ukol sa delivery ng kanilang balikbayan boxes.
Katulad ng naibalita na po namin sa ating programa na napakikinggan sa DZME 1530Khz mula Lunes hanggang Biyernes, nagsimula na ang delivery ng mga kahon na matagal nang nakatengga sa ilang puerto o port ng bansa bago mag-Pasko.
Medyo matatagalan po ang paghahatid ng mga kahon na ito kahit pa nadagdagan na ang mga tumutulong dito sa pangunguna ng DDCAP na pinamumunuan ni Mr. Joel Longares ng LOGO cargo.
Dahil sa rami na rin ng naabandonang mga kahon at para magkaroon po kayo ng idea kung gaano ito karami, ipagpalagay natin ang bilang ng mga container sa 130 at ang isang container ay pwedeng may laman na 300 na kahon, ang ibig sabihin ay mayroong 39,000 na kahon na dapat na mai-deliver sa mga may-ari ng mga ito.
Ito na ang pinakamalaking bilang ng abandonadong balikbayan boxes sa kasaysayan ng Bureau of Customs, na ang karamihan ay galing sa Makati Express Cargo, kasunod ang Tag Cargo at iba pa.
Ang pangyayaring ito ay nagpapakita na kailangan na talaga ng isang batas na siyang magreresolba sa isyu.
Nakausap ko na po si Sen. Erwin Tulfo ukol dito at sinabi ko po ang malalang problemang kinahaharap ng ating mga kababayang OFWs.
Agad itong humiling po sa inyong lingkod na magpasa ako sa kanya ng backgrounder ukol dito upang magawan ng karampatang batas.
Kasalukuyan ko na pong ginagawan ito ng backgrounder at maging ng mga probisyon na pwedeng ilagay para sa batas na gagawin hinggil dito.
Sa ngayon ay nakatuon po ang report na ating isinusulat sa dalawang mahalagang bagay, ang agarang distribusyon ng abandonadong balikbayan boxes matapos na maideklarang abandoned na ito, at pagpaparusa sa mga nasa likod nito.
106 