DAHIL pahirapan ang paghatid ng tulong sa mga biktima ng bagyong Odette sa Mindanao at Visayas Region, minabuti ng Pitmaster Foundation na lumapit sa Philippine Foundation na makipag-ugnayan sa Philippine Marines 72nd Marangal Batallion upang mabilisang maihatid ang mga kinakailangang ayuda sa mga tao doon.
Ayon kay Pitmaster Foundation Executive Director Caroline Cruz, “personal kong sinilip ang mga dinaanan ni Odette at maraming mga kalsada ang sira o lubog sa tubig kaya naisip namin na humingi na ng tulong ng AFP.”
Ani Cruz, “Hindi lang sa pag-transport ng mga relief goods ng Pitmaster kundi malaking tulong din ang mga marines sa pagre-repack ng mga pagkain at hygiene kits para sa initial target namin na 100,000 families sa Surigao, Bohol, Negros at Palawan.”
“Pero dahil patuloy ang paghingi ng tulong ng mga LGUs sa aming chairman na si Charlie ‘Atong’ Ang, expected namin na madagdagan pa ang 100,000 families na bibigyan ng ayuda within the next few days,” dagdag pa ni Cruz.
Bagamat walang binibigay na halaga si Cruz hinggil sa kanilang kasalukuyang relief operations, ayon sa ilang importante, umaabot na raw sa P45 milyon ang halaga ng mga bigas, delata, at personal hygiene kits na laman ng bawat relief packs para sa mga pamilya na nasalanta ng bagyo.
Napag-alaman din na sa Cebu City ang magiging main relief distribution center ng Pitmaster dahil nasa gitna ito ng bansa at mas malapit sa Mindanao at Palawan.
Nagpasalamat naman si Cruz kay Eastern Visayas Naval Reserve Commander Col. James Lugtu dahil sa pag-alok ng mga tauhan at mga sasakyan para maihatid ang mga ayuda sa mga biktima bago pa mag-Pasko.
Hindi ito ang unang relief operations ng Pitmaster.
Matatandaang namahagi rin sila ng relief goods sa mga biktima ng bagyo noong nakaraan taon sa Metro Manila at karatig-pook.
CAPTION
1. KAUSAP ni Pitmaster Exec Dir. Caroline Cruz ang mga opisyal ng Marines na nag-alok ng tulong sa pag-repack at pag-deliver ng ayuda sa mga biktima ni bagyong Odette.
2. Marines katuwang ng Pitmaster sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
