EDITORIAL
SA paglipas ng pitong taon, ang pahayagang SAKSI Ngayon ay nananatiling matatag sa paninindigan nitong itaguyod ang katotohanan.
Ang pitong taong sakripisyo, pagsisikap at buong-pusong pagbibigay ng impormasyon, kaalaman at paghahatid ng balitang may saysay at katotohanan ay lalo pang nagpatatag sa aming pagsisikap na handugan kayo ng espasyong inyong kalulugdan.
Hindi biro ang tahakin ang landas ng pamamahayag sa gitna ng mabilis na pagbabago ng panahon, ngunit dahil sa inyong tiwala, nananatili kaming nakatayo.
Ang anibersaryong ito ay hindi lamang pagdiriwang ng aming pagkakatatag, kundi isang patunay na pagkilala sa mahabang biyahe na ating pinagsaluhan bilang isang komunidad.
Ang espesyal na okasyong ito ay katibayan ng walang patid na ugnayan, na hindi hinahadlangan ng distansya dahil ang bawat titig at buklat ninyo ng mga pahina ay naglalapit sa atin.
Taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyo na matatapat na mambabasa. Kayo ang nagsisilbing inspirasyon namin sa bawat pahinang aming inilalathala. Ang inyong pagtangkilik—mula sa mga pisikal na kopya hanggang sa aming digital platforms—ang nagbibigay-buhay sa aming misyon na maging boses ng katotohanan at tagapagtanggol ng karapatan ng bawat mamamayan.
Ang pitong taon ay hindi lamang bilang ng mga araw, ng petsa. Hindi ito numero na binibilang lamang. Ito ay simbolo ng inyong pagtangkilik na nararapat bigyan ng pagpapahalaga.
Hindi rin magiging posible ang tagumpay na ito kung wala ang suporta ng aming sponsors at advertisers. Salamat sa inyong patuloy na paniniwala sa integridad ng aming pahayagan. Ang inyong pakikipagtulungan ay higit pa sa usaping negosyo; ito ay isang mahalagang pundasyon upang mapanatili naming abot-kaya ang impormasyon para sa lahat. Katuwang namin kayo sa paglago at sa pag-abot ng mas marami pang Pilipino. Isa kayo sa mga dahilan bakit patuloy ang daloy ng buhay ng pahayagan.
Sa loob ng pitong taon, marami na kaming hinarap na hamon, ngunit ang bawat pagsubok ay nagsilbing aral upang lalong pagbutihin ang aming serbisyo. Mula sa maliliit na kwento sa komunidad hanggang sa malalaking isyu ng bansa, ang SAKSI Ngayon ay laging naririyan upang inyong maging mata at tenga. Ang pitong taon ay simula pa lamang ng mas malalim at mas malawak na paglilingkod sa bayan.
Sa ating pagpapatuloy, baon namin ang inyong suporta sa pagharap sa susunod pang dekada. Asahan ninyong ang SAKSI Ngayon ay mananatiling tapat sa panata nito: ang maging matapang, tagapaghatid ng mga Balitang Totoo, at mapagkakatiwalaang daluyan ng impormasyon. Muli, maraming salamat sa pagiging bahagi ng aming kwento.
Maligayang Ikapitong Anibersaryo, SAKSI Ngayon!
11
