ISINIWALAT ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may ulat silang natanggap bago ang gulo sa anti-corruption protest nitong Linggo na plano umano ng ilang rioters na sunugin ang Malacañang.
Lumabas ang rebelasyon matapos maaresto ang ilang nanggulong indibidwal sa Ayala Bridge at Mendiola habang nananawagan ang mga raliyista ng pananagutan sa mga maanomalyang flood-control projects.
Ayon kay Remulla, mismong ilang menor de edad na na-interview ang nagsabing target daw nilang sunugin ang Palasyo. “We cannot take that at face value… kailangan pang dumaan sa proseso ng DSWD,” ani ng Kalihim.
Babala niya, kapag napatunayang may kasalanan ang mga nasa hustong gulang, tiyak na kakasuhan ng arson, grave physical injuries at posibleng sedition. “Iyong statement lang nila na gusto nilang sunugin ang Palasyo ay sedisyoso na,” diin pa niya.
Inamin din ni Remulla na may hawak silang intel reports tungkol sa mga lokal na teroristang grupo na posibleng sumabotahe ng protesta. Nakaalerto aniya ang PNP, kung saan 400 pulis ang nakasibilyan para bantayan ang sitwasyon sa Luneta at People Power Monument. Mabuti na lang, ani Remulla, na nagbunga ang kanilang pagbabantay at walang mas malaking insidente ang nangyari.
(CHRISTIAN DALE)
206 