HANDA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan kaugnay ng umano’y milyong pisong donasyon mula sa mga kontratista noong 2022 presidential elections.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, walang dapat pigilan sa Commission on Elections (Comelec) para gawin ang trabaho nito.
“The President is willing to be investigated. Let the Comelec do its job, investigate,” ani Castro.
Base sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), nakatanggap ng malalaking campaign contributions sina Marcos at Vice President Sara Duterte mula sa mga kontratistang ngayon ay nakikinabang sa bilyon-bilyong proyekto ng gobyerno.
Batay sa dokumento ng Comelec, si Rodulfo Hilot Jr. ng Rudhil Construction & Enterprises Inc. ay nagbigay ng ₱20 milyon kay Marcos Jr., habang si Jonathan Quirante ng Quirante Construction Corporation ay nagbigay ng P1 milyon. Pagkatapos ng halalan, biglang lumobo ang mga kontratang nakuha ng kanilang kumpanya—umabot sa P3.5 bilyon para sa Rudhil Construction noong 2024 at P3.8 bilyon para sa Quirante Construction sa unang walong buwan ng 2025.
Si VP Sara naman ay nakatanggap ng halos P20 milyon halaga ng campaign ads mula sa Esdevco Realty Corp. na pagmamay-ari ni Glenn Escandor. Ang construction firm nito, Genesis88, ay kumita ng halos P3 bilyon sa flood-control projects sa Davao Region mula 2022 hanggang 2025.
Ayon sa Omnibus Election Code, bawal tumanggap ng donasyon mula sa mga kontratistang may kasunduan sa pamahalaan.
Sa gitna ng isyu, lumutang din ang pangalan ng ilang senador at kongresista, kabilang na sina dating Senate President Francis Escudero at dating House Speaker Martin Romualdez na pareho ring nabunyag na tumanggap ng kontribusyon mula sa kontratista. Dahil dito, parehong napilitang magbitiw sa pwesto.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na higit 50 kontratista at ilang kandidato noong 2022 ang iniimbestigahan ngayon ng poll body.
(CHRISTIAN DALE)
