(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
KUNG papalarin, magpapatuloy ang mga nasimulang plataporma ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa 2028.
Ito ang pahayag ni Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte bago ang pagbabalik sa bansa ni Vice President Sara.
Inaasahan umano niyang sa 2028, kung pagbibigyan ng Diyos, muling magkakaroon ng pagkakataon na magpatuloy ang mga plataporma ng amang si Digong sa ilalim ng pamumuno ng kapatid na si Sara.
“Baka sa taong 2028, kung pagbibigyan ng Diyos, baka nasa puso ni VP Inday Sara Duterte, makapaglalagay na naman tayo ng pangulo na makapagpapatuloy sa plataporma ni former President Rody Duterte,” ani Mayor Baste.
Kasabay nito, inilarawan niya ang kaibahan aniya ng gobyerno ngayon na ayaw niyang ikumpara sa panahon ng administrasyon ni FPRRD.
“Ngayon, nakita natin kung anong klaseng gobyerno ang ayaw natin, kumpara sa naranasan natin noong panahon ng gobyerno ni PRRD na gusto nating ibalik pagdating ng panahon.
VP Sara Balik-Pinas
Samantala, nakauwi na ng Pilipinas si VP Sara matapos ang halos isang buwang pananatili sa The Hague, Netherlands kung saan inasikaso niya ang legal team ng amang si FPRRD.
Ayon sa Office of the Vice President (OVP), dumating si VP Sara sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang 9:56 ng gabi ng Linggo sakay ng Emirates Airlines flight no. EK 334.
Simula March 12 ay nasa The Hague ang Pangalawang Pangulo matapos arestuhin ang amang si Digong sa kasong crimes against humanity at ngayon ay nasa International Criminal Court (ICC) detention facility.
