NAGLABAS ng show cause order ang Commission on Elections (Comelec) laban sa mga kandidatong magkakasunod nag-viral dahil sa kabastusan.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maaaring maipadala ang show cause order ngayong araw, Abril 8 laban kay Misamis Oriental Gov. Peter Unabia.
Ito ay matapos kumalat online ang isang video ni Unabia na nagsasabing ang kanilang nursing scholarship ay para lamang sa mga babae at dapat silang maging “gwapa” o maganda.
Nauna nang sinabi ni Garcia na ang sexist remarks at gender discrimination ay walang lugar sa isang sibilisadong lipunan, higit pa sa isang political campaign.
Inisyuhan na rin ng show cause order ang bise alkalde ng Mataas na Kahoy, Batangas dahil sa pahayag laban kay Vilma Santos na kanyang katunggali.
Si Vice Mayor Jay Ilagan na tumatakbong gobernador ng Batangas ay binibigyan lamang ng Comelec ng tatlong araw para makapagpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa ng komisyon.
Ang show cause order laban kay Ilagan ay kasunod ng kanyang pahayag sa campaign rally noong Marso 29 na hindi siya natatakot makalaban si Santos dahil ito ay laos na.
Sinabi rin ni Ilagan na marami-rami sa mga tagahanga ni Vilma Santos ay namamahinga na at ang iba ay may edad na.
Ang naturang pahayag ay maituturing na paglabag sa Comelec Resolution No. 11116 o ang ANTI-DISCRIMINATION AND FAIR CAMPAIGNING.
Samantala, habang sinusulat ito ay hinihintay pa ng komisyon ang paliwanag ni Pasig congressional bet Christian Sia sa kanyang kontrobersyal na single mom joke.
Si Sia ay binigyan ng tatlong araw o hanggang kahapon Abril 7 upang sumagot sa show cause order.
Nag-viral si Sia matapos itong magbiro sa mga solo nanay bagama’t kalaunan ay humingi ito ng paumanhin.
Sia Ayaw Tantanan ng Kababaihan
Hindi mapatawad ng grupong Gabriela si Atty. Christian Sia sa kanyang masamang biro.
Kaya naman dumulog ang mga ito sa Korte Suprema para magreklamo.
“Hindi palalampasin ng Gabriela ang anomang pambabastos sa kababaihan, laluna mula sa mga may kapangyarihan at impluwensya sa lipunan—gaya ng abogado at kandidatong si Ian Sia,” ayon kay Clarice Palce ng nasabing grupo.
Sa kanilang tatlong pahinang sulat kay Chief Justice Alexander G. Gesmundo at sa lahat ng Associate Justices, ipinaliwanag ng mga ito ang inasal ni Sia sa isa sa kanilang campaign sorties ay labag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).
Magugunita na sinabi ni Sia na pwede sumiping sa kanya ang mga single mother minsan sa isang taon kapag siya ay nanalo sa susunod na eleksyon.
“Bilang abogado, inaasahan silang mangalaga ng katarungan at protektahan ang mga bulnerable, hindi ang magpakalat ng mapanirang stereotypes at i-sexualize ang mga kababaihang humaharap na sa napakaraming hamon sa buhay,” ani Palce.
“Lalong hindi ito katanggap-tanggap mula sa isang kandidatong naghahangad ng puwesto sa pamahalaan. Konkretong platapormang tutugon sa mga krisis na kinakaharap ng solo parents at iba pang kababaihan ang kailangan namin, hindi pambabastos!” dagdag pa nito.
Dahil dito, umapela ang mga ito sa SC at maging sa Comelec na ikonsidera ang posibilidad na maging ground ng disqualification sa mga kandidato ang pambabastos sa kababaihan.
(JOCELYN DOMENDEN/PRIMITIVO MAKILING)
