EMERGENCY CELL BROADCAST SYSTEM (ECBS) GINAGAMIT SA POLITICAL CAMPAIGNING

MARIING kinondena ng Office of Civil Defense ang napaulat na paggamit ng Emergency Cell Broadcast System (ECBS) sa political campaigning ng ilang grupo.

“We have referred this matter to the National Telecommunications Commission (NTC) for appropriate investigation and action. The OCD is actively coordinating with relevant agencies to thoroughly investigate these incidents and ensure that those responsible are held accountable to the fullest extent of the law,” ayon sa OCD.

Ito ay matapos na makatanggap ng mga ulat ang kanilang tanggapan na maraming residente mula sa mga probinsiya ang nakatatanggap ng mga mensahe na hinihimok silang iboto ang partikular na mga kandidato.

Sa isang pahayag na inilabas ng OCD, binigyang diin ng ahensya na mahigpit na ipinagbabawal at mapanganib ang paggamit ng ECBS bilang bahagi ng pangangampanya ng mga kandidato ngayong eleksyon.

Ayon sa ahensya, ang ECBS ay hindi dapat ginagamit sa pangangampanya dahil ang layunin ng programang nagpapatupad nito ay para lamang sa pagbibigay ng mga early warning o babala na may kaugnayan sa pagliligtas ng buhay at kagamitan.

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga impormasyong live-saving alerts tuwing emergencies gaya ng lindol, bagyo at ilan pang mga sitwasyon na maaaring makaapekto sa seguridad ng publiko.

Ang paggamit nito sa political purposes ay maaaring makaapekto sa pamamahagi ng emergency alerts at maaaring maging imminent threat sa buhay ng mamamayang Pilipino.

Nagbabala rin ang tanggapan sa mga kandidato na ang ECBS ay ginagamit para sa mga urgent emergency notifications at hindi para gamitin bilang campaign platform dahil sa maaari anila itong pag-ugatan ng pagkalito lalo na kung dumating ang mga matitinding krisis sa bansa.

Sa ngayon kinumpirma naman ng ilang service providers na hindi nila ginagamit ang ECBS lalo na kung hindi ito para sa emergency purposes habang iginigiit ng OCD sa mga telcos na panatilihing protektado ang integridad ng kanilang emergency alert systems at siguruhing gagamitin ito sa tama.

Kinumpirma ng Globe Telecom at Smart Communications na hindi nila ginagamit ang ECBS para sa non-emergency messages at hindi sila nagpapadala ng anomang political campaign alerts.

(JESSE KABEL RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment