TUTUTUKAN ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group ang hinihinalang kidnap for ransom case matapos makauwi na sa kanilang bahay ang dinukot na isang 14-anyos na estudyante subalit putol umano ang isang daliri nito.
Ang tinutukoy sa ulat ay ang isang 14-anyos na Malaysian-Chinese student mula sa Manila British School, isang prestigious non-profit private school sa Bonifacio Global City.
Inaalam din ng mga imbestigador kung nagbayad ba ng ransom ang pamilya. Sa naglabasang reports, humingi umano ng 20 million US dollars ang abductors.
Subalit matapos ang ilang araw ay sinasabing nakabalik na sa pamilya pero putol ang daliri ng tinangay na estudyante na kilala sa ilang social media post na si alyas “Andi”.
Tiniyak naman sa isang sulat ng pamunuan ng paaralan na prayoridad nila ang kaligtasan ng mga estudyante at nagbigay na sila ng counselling at emotional support sa mga estudyante, gayundin sa biktima ng pagdukot.
Samantala, inihayag ng PNP-AKG na nakapagtala na sila ng kabuuang 40 kidnapping cases, sampu rito ay Chinese nationals ang biktima na dinukot ng kanilang mga kapwa Tsino mula Enero 2024.
Lumitaw rin sa datos ng PNP-AKG na ang naitalang mga kasong kriminal kabilang ang kidnappings, ay nag-ugat ng hidwaan na may kaugnayan sa underground gambling at cyber fraud—kadalasan ang illegal activities na may kaugnayan sa offshore gaming operations, ayon sa pulisya.
Pinakahuli sa tinututukan ng PNP-AKG ang pagkawala ng isang Chinese national na huling nakita noong Pebrero 20 sa Taguig City.
Hindi kinumpira ng PNP-AKG kung ito ‘yung kaso ng isang Andy Wang na dinukot umano sa BGC, subalit tiniyak nilang may leads na ang PNP na sinusundan ngayon.
“The PNP will remain relentless in its efforts to curb criminal activities and dismantle networks that pose threats to peace and order. We are fully committed to upholding the rule of law and ensuring that perpetrators are held accountable,” ani PNP chief, Gen. Rommel Francisco Marbil. (JESSE KABEL RUIZ)
