HINDI kukunsintihin ni Philippine Army Commanding General, Maj. Gen. Romeo Brawner ang tatlong sundalo na inaresto ng mga tauhan ng PNP-National Capital Regional Police Office matapos na mamaril gamit ang isa sa kanilang service firearms na ikinasugat ng anim na katao, kabilang ang tatlong menor de edad sa Barangay Pinagsama, Taguig City noong araw ng Pasko.
Ito ang pagtiyak kahapon ni Army Public Affairs Office chief, Col. Xerxes Trinidad kasabay ng pahayag na tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa PNP-NCRPO para sa ano mang legal action bukod sa kanilang pansariling imbestigasyon kaugnay sa kasong administratibo.
Sa inisyal na report, nag-iinuman ang mga sundalo nang pagbabatuhin umano ng grupo ng mga biktima na nauwi sa pamamaril bandang alas-3:00 ng madaling araw ng Pasko.
“Internally, we are also conducting a parallel investigation for the administrative cases that may be filed against them.
We assure the public that the Philippine Army does not condone any violation of laws or regulations of our personnel. We expect high standards of military discipline and values to all our personnel, hence if proven guilty appropriate sanctions shall be meted against them,” ani Col. Trinidad.
Kinilala ni PNP-NCRPO chief, Maj General Vicente Danao ang mga sundalong nakakulong ngayon na sina Capt. Nheiljay Maguddayao Garcia, 2Lt. Felomino Maguddayao Garcia, at 1Lt. Minalyn Awat Ladyong.
Nagpapagaling na sa ospital ang mga biktima habang naaresto naman ang 3 sundalong miyembro ng Philippine Army na isasalang sa court martial proceedings at mahaharap sa patong-patong na kaso.
Ayon kay Police Lt. Col. Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office ng National Capital Region Police Office, iniimbestigahan na ang insidente katuwang ang Philippine Army.
“They will still conduct an in-depth investigation to determine really kung ano po talaga ang facts of the case at makakaasa po ang publiko na they will conduct an investigation fairly and squarely,” aniya.
Si Capt. Garcia ay nakatalaga sa Training and Doctrine Command sa Capas, Tarlac; si 2Lt. Garcia naman ay nasa Army Headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig; habang si Ladyong ay naka-detail sa Army Signal Regiment, sa Fort Bonifacio.
Sa galit umano ng mga sundalo matapos silang pagbabatuhin ay pinaputukan nila ang direksyon ng mga biktima na kinilalang sina Edsel Hecita Polo, 28; JD Umbaro Navales, 24; John Carl Marca Sabino, 18; at tatlong menor de edad na may edad na 17, 16, at 14. Itinakbo sila sa Ospital ng Makati at Taguig Pateros District Hospital.
“There are a lot of peaceful means to prevent and repel the aggression without resorting to firing your guns. A gun is not a passport for indiscriminate firing. Please be assured that this will be handled without fear or favor,” ani Danao. (JESSE KABEL)
