PNP DEMORALISADO SA BALASAHAN

pnp

DEMORALISADO ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa pagbalasa ni PNP chief, Director General Rodolfo Azurin, Jr. sa mga nakaupo sa puwesto partikular ang mga kabilang sa command group.

Ito ay bunsod ng lumabas na Special Orders Number NHQ-SO-URA-2022-40266 na nagsasad ng pagsibak sa puwesto kina Deputy PNP Chief for Administration P/Lt. Gen Rhodel Sermonia, at Deputy PNP Chief for Operations P/Lt. General Vicente Danao, number 2 at number 3 sa PNP command group na idinemote ni Azurin sa posisyon.

Sinasabing ito ay sa kaunaha-unahang pagkakataon nangyari na ang mismong nasa top brass ng PNP ay sinibak at ibinaba ng posisyon bilang Area Police Command ng Southern Visayas at Western Mindanao Region.

Ang pagbalasa sa mga heneral lalo na sa dalawang PNP top brass ay sinasabing taliwas sa PNP rules na hindi na dapat idine-demote ang opisyal na nakalinya na sa TDCA at TDCO, maliban na lamang sa kanilang retirement o kung ipinag-utos o appointed ng pangulo ng Republika.

Isang malapit kay Danao ang nagpahayag na: “Inoffer kay Gen. Danao ang PDEA, ilang linggo na ang nakaraan pero hindi nito tinanggap dahil sa pagmamahal sa serbisyo at organisasyon. Okay lang naman na sa kanya (Danao) na maging #3 man na lamang hanggang sa makapag-retiro huwag na lang sana i-demote na tulad nito.”

Hindi napili bilang PNP chief si Gen. Danao dahil kinuwestyon umano ang loyalty nito sa PBBM administration, “although itinawid naman nang maayos ang pagtitimon sa SAFE election, inauguration at SONA,” ayon pa sa insider.

Si Danao ay nakatakdang magretiro sa PNP sa Agosto 10, 2023, samantalang si Sermonia ay nakatakdang magretiro sa Enero 2024.

Napag-alaman na ibinaba si Sermonia bilang Area Police Commander ng Visayas Region habang si Danao naman ay Area Police Commander sa Western Mindanao, gayung ang kanilang puwesto ay nasa pangalawa at ikatlo sa pinakamataas sa PNP.

Napag-alaman pa na kabilang din sa mga heneral na binalasa sina P/MGen. Valeriano De Leon na dating Director for Operations na inilipat sa DICTM, at CIDG Director P/MGen. Eliseo Cruz na itinalaga bilang director ng DIDM, kapwa mga kilalang pangalan na lumabas sa shortlist noong pinagpipilian pa ang magiging PNP chief.

Naglabas din ng inisyal na pahayag ang PNP-PIO kaugnay sa naganap na balasahan.

“The reorganization of personnel occupying key positions aims to provide opportunities and career growth. At the same time, this move shall strengthen and empower strategic offices and units with the placement of more seasoned and experienced senior officers at their helms to further hone the operational and administrative undertakings against criminality, enforcement of the law, and maintenance of peace and order.”

Nabatid na ikinagulat din ng mga pulis sa laylayan ang naganap na mass revamp ni Azurin at hindi lamang sina Sermonia at Danao ang demoralisado sa ginawang demosyon sa mga opisyal ng PNP. (JESSE KABEL)

167

Related posts

Leave a Comment