AYAW makibahagi ng Philippine National Police (PNP) sa pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mala-Martial Law na pagbabantay sa panahon ng COVID-19 crisis at shame campaign sa mga hindi sumusunod sa mga health protocol.
Sinabi ni PNP Chief General Archie Gamboa, hindi nila ito gagawin sa pagbabantay sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Giit ni Gamboa, ang ipinatutupad lamang ng PNP ay kung ano ang nasa batas at mga ordinansa ng lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, mahigpit ang tagubilin ni Gamboa sa mga pulis na dapat sundin ang PNP Code of Conduct and Ethical Standards sa pagbabantay sa mga quarantine control point lalo na s pakikitungo sa kababaihan at matatanda.
Nauna nang iminungkahi ni DILG Usec. Martin Diño ang shame campaign dahil patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa dulot ng mga pasaway na hindi sumusunod sa health protocols. (ANNIE PINEDA)
