WELCOME kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang hakbang na joint investigation ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) sa Percy Lapid slay case maging sa pagkamatay ng middleman na si Jun Villamor.
Naniniwala si Azurin na positive development ito para magkaroon ng closure ang kaso ng pagpatay sa beteranong brodkaster.
Patunay rin aniya ito na nagkakaisa ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno para makamit ang katarungan hindi lamang para sa naulilang pamilya ni Lapid, kundi maging sa pamilya ni Jun Villamor.
Paliwanag pa ng PNP chief, kahit na preso si Villamor sa New Bilibid Prison ay may karapatan pa rin ito at hindi makatarungan ang pagkamatay nito gayung dapat ay ligtas ito sa piitan.
Kaugnay nito, limang itinuturing na Persons of Interest ang nakapagbigay na ng pahayag sa NBI-PNP joint investigation team kabilang ang umano’y nasa kustodiya ng AFP-ISAFP.
Huling kinunan ng salaysay ang POI na inilipat sa kustodiya ng NBI mula Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
Samantala, inaasahang ilalabas ni Forensic at Pathologist expert Dr. Raquel Fortun ang resulta ng ikalawang autopsy sa labi ni Villamor bukas.
Inihayag naman ni Justice Sec. Crispin Remulla na sa susunod na linggo ay posibleng magsampa na sila ng kaso laban sa mga nasa likod ng pagpatay kay Lapid o Percival Mabasa. (JESSE KABEL)
