PNP SUPORTADO PAGREPASO SA MARARAHAS NA VIDEO GAMES

SUPORTADO ni Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang panukalang repasuhin ang mararahas na video games sa gitna ng pangamba na maaari itong magdulot ng copycat behavior sa mga kabataan.

Kasunod ito ng mga naitatalang insidente ng karahasan sa mga paaralan na iniuugnay sa posibleng epekto ng mararahas na online games sa pag-iisip ng ilang kabataan.

Ayon kay Nartatez, dapat pag-aralang mabuti ng Kongreso at iba pang kaugnay na ahensiya ang anumang panukala, kabilang ang posibleng pagbabawal sa ilang video games, upang matiyak na ang anumang polisiya ay nakabatay sa pag-aaral at isinasaalang-alang ang kapakanan ng kabataan.

Nauna nang nanawagan si DILG Secretary Jonvic Remulla na pag-aralan ang mga posibleng hakbang laban sa mararahas na video games, kabilang ang posibleng pagbabawal sa larong GoreBox.

Inatasan din ni Nartatez ang lahat ng Police Regional Offices at lokal na yunit ng pulisya na paigtingin ang koordinasyon sa mga paaralan, school administrators, at local government units upang mapalakas ang school safety at maagap na matukoy ang mga posibleng banta.

Nakatakda ring magsagawa ng cyber surveillance ang PNP Anti-Cybercrime Group upang mabantayan ang online platforms laban sa posibleng panghihikayat ng karahasan at mga copycat attacks.

Nanawagan din ang PNP chief sa mga magulang, paaralan, at komunidad na masusing bantayan ang online activities ng mga kabataan.

(JESSE RUIZ)

 

121

Related posts

Leave a Comment