PNP TUTULONG SA ‘ZONE OF AVOIDANCE’ SA BOGO FAULT

TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na makikipagtulungan ito sa local government ng Cebu sa pagpapatupad ng five-meter “zone of avoidance” sa paligid ng Bogo Bay Fault sa northern Cebu, alinsunod sa rekomendasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Layunin ng hakbang na maiwasan ang pagtatayo ng mga istruktura malapit sa aktibong fault line para maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga residente.

Ayon kay PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang mga tauhan sa Central Visayas na tumulong sa pagtatakda ng safety perimeters sa paligid ng fault trace.

“I have directed our regional and local police units, particularly in Central Visayas, to immediately coordinate with local disaster risk reduction and management councils and implement proactive safety measures,” pahayag ni Nartatez.

Dagdag pa niya, tutulong din ang pulisya sa information dissemination, pagpapatrolya sa mga komunidad, at pagpapatupad ng safety protocols sa loob ng limang metrong zone of avoidance — ang lugar na bawal tayuan ng bahay o gusali dahil sa panganib ng paggalaw ng lupa sa oras ng lindol.

Inirekomenda ng Phivolcs sa mga residente ng Bogo City na umiwas ng limang metro mula sa linya ng Bogo Bay Fault, na nagdulot ng magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30, na kumitil ng 72 katao.

Ayon sa Phivolcs, natukoy ng kanilang Quick Response Team ang onland extension ng fault sa Sitio Looc, Barangay Nailon, kung saan nakita ang mga bitak sa lupa at pressure mounds sa loob ng dalawang metrong lapad na deformation zone.

Batay sa inisyal na pagsusuri, 200 metro ang haba ng surface rupture, ngunit maaaring umabot sa 1.5 kilometro batay sa drone survey.

Patuloy pa rin ang field verification ng Phivolcs, habang mahigit 7,000 aftershocks na ang naitala — kung saan pinakamalakas ay magnitude 5.1.

(JESSE RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment