CAVITE – Pansamantalang gagawing isolation facility para sa COVID-19 patients ang nakatiwangwang na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) facilities sa Imus City sa lalawigang ito.
Ayon kay Imus City Mayor Emmanuel Maliksi, dahil sa dumaraming bilang ng mga COVID-19 positive sa bansa, maging ang Lungsod ng Imus ay namomoblema na rin dahil puno na ang anim na ospital kaya naisipan na pansamantalang ipagamit ang nakatiwangwang na POGO building.
Ang POGO building ay matatagpuan sa Brgy. Palico 4 ng naturang Lungsod.
Ang pasilidad ay orihinal na itinayo para sa in-house POGO employees, ngunit dahil pandemya at hindi operational ay nakipag-usap ang Imus LGU para arkilahin ang pasilidad at pansamantala ay gawing isolation facility para mapakinabangan.
Inaasahang makapagsisimula ng pormal na operasyon sa susunod na linggo
Naglalaman ang pasilidad ng 140 bed capacity na kayang mag-accommodate ng apat na pasyente sa isang kwarto, katumbas ng halos 600 pasyente
Ayon pa sa alkalde, pinayuhan na rin niya ang mga ospital na mag-extend ng bed capacity at sa pagbubukas ng COVID-19 isolation facility ay matutulungan nito na ma-decongest ang napunong mga ospital, at maililipat sa pasilidad ang ilang pasyente.
Inaasahang ilalabas ng DOH Region 4A ang accreditation ng pasilidad para ito magamit. (SIGFRED ADSUARA)
