POLICE COLONEL, 11 PA KINASUHAN SA HAZING SA BASILAN

KINASUHAN na ang 12 mga pulis na sangkot sa isinagawang hazing sa welcome rites sa mga bagong destinong pulis sa Lamitan City, Basilan.

Kasong paglabag sa RA 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 ang naisampa sa mga pulis na kinabibilangan ng isang police colonel; isang police major; limang police corporals at limang patrolmen.

Sa isinagawang pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson P/BGen. Randulf Tuaño, sa kabuuan, 77 PNP personnel ang sinibak sa pwesto at 22 sa mga ito ang nasa restrictive custody na.

Inaasahan naman na tataas pa ang bilang ng mga magrereklamong pulis lalo na at 129 PNP personnel ang sangkot sa insidente.

Binalaan naman ni PNP chief, Police General Jose Melencio Nartatez, Jr., ang lahat ng mga pulis laban sa pakikilahok sa anomang initiation rites at iba pang mga aktibidad na kahalintulad ng hazing na maglalagay sa panganib sa buhay ng mga police trainee at mga bagong recruit.

Ayon kay Nartatez, dapat ipatupad sa lahat ng oras ang polisiya ng zero tolerance laban sa hazing, alinsunod sa umiiral na mga batas, tuntunin, at regulasyon na nagbabawal at nagpaparusa sa lahat ng anyo ng hazing sa bansa.

(TOTO NABAJA)

2

Related posts

Leave a Comment