POLICE VISIBILITY, SINGLE CRISIS HOTLINE KONTRA KRIMEN

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dagdagan ang police visibility para mapigilan ang krimen at ipatupad ang unified emergency hotline para sa mas mabilis na pagtugon sa krisis.

Sa isinagawang maiden episode ng BBM Podcast, araw ng Lunes, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na tiyakin na ang mga pulis ay malapit sa mga tao.

“So ang una naming ginawa, inutusan ko silang – ng DILG at saka Chief PNP – sinabi ko sa kanila, dapat laging may nakikita na pulis na naglalakad. Kasi pagtagal ng panahon, nakikilala mo na ‘yun,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“O, ‘di – maging kaibigan ‘yung pulis para ‘pag nakita, safe kami rito. Nandiyan si Sergeant ganito, ganyan. Kailangan ang pakiramdam ng tao, laging may pulis dito,” dagdag na wika nito.

Ani Pangulong Marcos, nais niya ang mabilis na pagtugon o pagresponde ng mga pulis, sabay sabing dapat ay nasa pinangyarihan ang mga police officer nang wala pang limang minuto.

Napansin din ng Pangulo na ang ilang kasalukuyang emergency numbers ay maaaring makadagdag sa kalituhan, kaya magpapatupad ang gobyerno ng isang single crisis hotline para sa emergency hotlines sa panahon ng krisis.

“Di ba mayroon tayong iba-iba eh – 119, 911, 999, kung ano-ano. Gagawin naming isa,” ang sinabi ng Pangulo.

Disiplina, Integridad

Kaugnay nito, bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Marcos Jr., at makuha muli ang tiwala ng publiko ay planong bumalik ng PNP bilang sandigan ng tunay na paglilingkod.

Sa isinagawang Command Conference nitong Lunes sa Camp Crame, inihayag ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa kanyang mga tauhan ang direktibang “Go Back to Basics” na may layuning pagtibayin ang disiplina at propesyonalismo sa hanay ng pulisya.

Samantala, si Deputy Chief PNP for Administration, PLt Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ay itinalaga ni PNP Chief Marbil na mamuno sa pagpapatupad ng “Go Back to Basics” program para tiyakin ang nagkakaisa, pantay at masusing pagsubaybay.

Kailangan din palakasin ang mga sistema nang makausad ang hanay ng pulisya bilang propesyonal na organisasyon at itama ang mga gawi na humahadlang sa kanilang pag-unlad.

(CHRISTIAN DALE/TOTO NABAJA)

259

Related posts

Leave a Comment