POLITIKO DAPAT ‘DI NAGNENEGOSYO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAPAG nangangampanya ang mga kandidato, ang palagi nilang ipinapangako sa atin ay tayo ang pagsisilbihan, gusto nilang itaas ang kalidad ng ating pamumuhay, aalagaan ang ating kalusugan at magkakaroon tayo ng hanapbuhay.

Pero kapag nakaupo na ang mga ‘yan, ‘yang mga pangako ay hindi na matutupad at kabaliktaran ang mangyayari dahil sila ang umaasenso ang buhay, sila ang nagkakaroon ng hanapbuhay.

Hindi man lahat, pero karamihan sa mga politiko ay negosyante at ang kanilang mga negosyo ay may kinalaman sa konstruksyon. Marami niyan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at ‘yan din ang negosyo ng karamihan sa local officials tulad ng mga mayor.

Kapag nahalal sila ay kunwari bibitiwan nila ang interes sa kanilang negosyo pero ang papalit sa kanila ay ang kanilang anak o asawa, sumasali sa bidding sa malalaking proyekto sa kanilang nasasakupang lugar at siyempre mananalo.

‘Yung iba naman lalo na ang mga mayor ay may paboritong construction company na gagawa sa proyekto sa kanyang bayan at siyudad lalo na ‘yung mga hindi na kailangang i-bidding dahil mas mababa sa kalahating milyong piso ang halaga ng proyekto.

Ang isang maiksing kalsada ay popondohan ng P100,000 hanggang P200,000 pero ilang buwan lang ay sira na dahil pinagkakitaan ni Mayor at aambunan na lamang ang barangay captain para hindi nang magreklamo.

Bukod dyan nagtatayo rin ng mga negosyo ang mga politiko tulad ng gasolinahan, palengke, hotel, leisure park, sabungan at iba pa na sigurado ang kita na hindi nila nagawa noong sila ay wala pa sa kapangyarihan.

Ibig sabihin, sila lang ang umasenso at hindi ang kanilang mga constituent na pinangakuan nila ng maayos na kalidad ng buhay noong sila ay tumatakbo. Sa totoo lang, pinagkakakitaan nila ang kanilang constituent imbes na sila ay pagsilbihan.

Pero malaki ang kasalanan nating mga ordinaryong mamamayan lalo na tayong mga botante dahil tayo ang dahilan kung bakit sila ganyan. Alam natin na sila lang ang umaasenso at hindi natutupad ang kanilang pangako pero ibinoboto pa rin natin sila.

Habang ibinoboto natin sila ay pinapayagan natin silang umabuso, magpayaman at lalong malulong sa kapangyarihan kaya malaki ang ating kasalanan lalo na ‘yung mga botante na hindi nag-iisip at nababayaran.

Kung nais nating umasenso ang ating bayan, iboto natin ang mga kandidato na magsisilbi sa atin, hindi nagnenegosyo, hindi umaabuso, hindi nagbabago at hindi lulong sa pera at kapangyarihan.

Naniniwala ako na may pag-asa pa tayo kapag nagbago ang mga tao sa pagpili ng mga kandidato pero hangga’t ang ibinoboto natin ay mga kontraktor, negosyante at corrupt, huwag na tayong umasang aasenso pa ang ating bansa.

1

Related posts

Leave a Comment