(BERNARD TAGUINOD)
IPINASASAMA ng isang mambabatas sa Kamara sa libreng swab test ang mga pasahero at drivers ng mga pampublikong sasakyan upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19.
Maging ang mga stranded na pasahero ay nais ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin na isama sa libreng swab test gamit ang pondo mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Pantawid Pasada.
Ayon sa mambabatas, may direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte sa PAGCOR na ipokus ang kanilang pondo sa public health programs at meron aniyang pondo para sa drivers o ang Pantawid Pasada fund na maaaring gamitin para sa libreng swab test sa mga ito.
“Please include in the free RT-PCR testing the drivers and passengers of the UVs, FXs, buses allowed to take provincial routes like those going to and coming from Bicol,” ani Garbin.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil noong nakaraang linggo aniya, halos 80 pasahero ng mga colorum na sasakyang patungong Bicol mula sa National Capital Region (NCR) ang nagpositibo sa COVID-19.
“Ganyan ang resulta kapag walang libreng testing, magpapalusot ang marami. Pero kung libre naman ang testing, lahat yan kusang-loob na magpapa-test,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ng mambabatas na hindi nawawalan ng kita ang PAGCOR dahil tuloy aniya ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa kabila ng community quarantine na ipinatupad ng gobyerno mula noong nakaraang taon.
Dahil dito, dapat aniyang gamitin ang nalilikom na pondo ng nasabing ahensya sa mga POGO para magkaroon ng libreng swab test sa mga pasahero at driver ng lahat ng pampublikong sasakyan.
“For the PUJ and PUB drivers and conductors in Metro Manila, some Pantawid Pasada funds should be used to pay for vaccines and COVID testing for all of them. Testing and vaccinating them would effectively help suppress the spread of COVID,” dagdag pa ng mambabatas.
152 