POOLE PAKITANG GILAS AGAD

BALITANG NBA Ni VT ROMANO

WAGI ang Golden State ­Warriors sa preseason opener nito kontra Portland Trail Blazers, 121-107, Martes (Manila time).

Umiskor si Jordan Poole ng 30 points sa loob lang ng 22 minuto para sa Warriors, na nagpaulan ng 40 puntos sa third period para kontrolin ang laro.

Nagdagdag naman si Otto Porter ng 19 points (off the bench). Habang sina Andrew Wiggins at Stephen Curry ay may tig-13 points.

May 6 for 8 shot si Damian Lillard, kasama ang 5 for 7 (beyond the arc) tungo sa 19-point output para sa Portland.

Kumuha rin ang Trail Blazers ng 13 points mula kay Norman Powell at 12 kay CJ McCollum.

Samantala, nagtala si Tyler Herro ng 26 points nang ­talunin ng Miami Heat ang Atlanta Hawks, 125-99.

Nag-ambag si Bam Adebayo ng 14 points at five rebounds, habang si Duncan Robinson ay umiskor ng 13 para sa Heat.

Umiskor ang Miami ng 41 points sa second period at mula roon, tinuluy-tuloy ang pamamayagpag.

May 14 points at nine rebounds si John Collins, 14 puntos at tatlong assists naman buhat kay Trae Young para sa Atlanta.

Tinalo naman ng Toronto Raptors sa pangunguna ni OG Anunoby, may 23 points, ang Philadelphia 76ers, 123-107.

May tig-13 puntos sina Precious Achiuwa at Scottie Barnes para sa Raptors, na ­umabante ng 10 points sa ­second period, 39-29.

Nagsumite naman si Sixers big man Andre Drummond ng 19 points, habang tig-14 at 10 points sina Seth Curry at Tyrese Maxey.

CELTICS FANS SUMUGOD
SA TD GARDEN

KAHIT preseason game pa lang, sumugod ang fans sa TD Garden, upang saksihan ang 98-97 win ng Boston Celtics kontra Orlando Magic, Martes (Manila time).

Sumalang bilang starters ng Celtics sina Jaylen Brown, Marcus Smart at Jayson Tatum na sumabak sa 25 minutong laro.

Sinimulan ni Brown ang laro sa pamamagitan ng 8-0 run tungo sa 21-20 Boston lead sa opening quarter. Nang matapos ang laro, sya ay may ambag na 25 points kahit hindi na sumalang sa bandang huli.

Nagbida naman sa second quarter si Magic center Mo Bamba, umiskor sa unang siyam na puntos ng Orlando. Nagpakitang-gilas ang 2018 lottery pick, nag-three points, may offensive rebounds na nako-convert niya sa puntos, para tumapos na may 13 points at 10 rebounds mula sa 6 of 10 sa field.

Nagpalitan ng lead ang dalawang team, bago isinara ng Magic ang first half, 52-50.

Sa kabuuan ng third quarter hanggang sa unang bahagi ng fourth, abante ang Orlando mula sa kanilang mainit na long distance shooting.

Isang dunk ni Bamba ang nagpalobo sa lead ng Magic, 97-86, 6:23 sa laro.

Mula roon, umarangkada na ang Celtics youngsters at hinabol ang kalamangan ng Magic, sa harap ng nasiyahang TD Garden crowd.

Bumato si Aaron Nesmith ng ikalawa niyang tres, nagbaon naman si Payton Pritchard ng dalawang 28-footer at maya-maya pa’y dalawang puntos na lang ang hinahabol ng Celtics sa huling 36 seconds.

Kasunod ng mintis ni Pritchard, nakuha ng Orlando ang rebound, naagaw ni Romero Langford ang bola at iningatan. Sa papaupos na oras, nakita ni Pritchard na libre si Langford at ka-boom! Ibinato ang game-winning three.

Sunod na kalaban ng Celtics sa Sabado ang Toronto.

133

Related posts

Leave a Comment