HINIKAYAT ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga botante sa nalalapit na Eleksyon 2022 na huwag maakit sa smart candidates, mas mabuti na pagkatiwalaan ng kanilang boto ang mga “ordinary-minded” candidates.
“Why don’t you get… Kasi masyadong, huwag kayo kumuha ng bright, mga brilliant. You know what?” ayon kay Pangulong Duterte. “Maghanap kayo ng kandidato na ordinaryong Filipino. Bigyan ninyo ng panahon at ipakita niya,” dagdag na pahayag nito.
Naniniwala ang pangulo na nasa mabuting kamay ang mamamayang Filipino sa “ordinary-minded candidates.”
Ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte ay matapos na muli niyang batikusin si Senator Richard Gordon at iba pang senador ukol sa Senate investigation sa “overpriced” Pharmally Pharmaceutical Corporation supply sa pamahalaan.
Dismayado ang pangulo na sa gitna ng pandemya ay pilit na iniimbitahan ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee ang mga miyembro ng kanyang gabinete para dumalo sa imbestigasyon.
Hinikayat naman ni Gordon ang mga botanteng Filipino na huwag iboto ang mga mambabatas na sangkot sa imbestigasyon.
“Matagal na rin ‘yan sila. Halos kaedad ko yan e may diperensya lang ng five years. Palitan ninyo na sila. Napakita na nila ang talent nila, hanggang diyan lang sila,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Bukod dito, inendorso naman niya ang kanyang long-time aide na si Senador Bong Go para sa vice presidency bid nito.
Inanunsyo ng pangulo ang kanyang pagreretiro sa pulitika at nagpahiwatig na itinutulak niya ang tambalan ng anak na si Davao City Mayor Sara Duterte at Go sa eleksyon sa susunod na taon. (CHRISTIAN DALE)
