SINIBAK ng Office of the Ombudsman sa pwesto si Porac Mayor Jaime Capil matapos mapatunayang nagkaroon ng gross neglect of duty o kapabayaan na may may kaugnayan sa sinalakay na illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa naturang bayan.
Ito ang ipinag-utos ng anti-graft court nitong April 3, 2025 kung saan sinabi ng Ombudsman na ang inisyung business permit ni Capil sa Lucky South 99 para makapag-operate ito bilang POGO sa Porac sa loob ng tatlong taon ay maituturing na “highly irregular at unlawful” dahil sa patent defects.
Nabigo rin si Capil na i-monitor, i-supervise at pigilan ang mga ilegal na aktibidad sa POGO hub. Ang mga ito, ayon sa Ombudsman ay lantarang pagpapatibay ng mga paglabag na nagawa ni Capil.
Bukod naman sa dismissal, ipinag-utos din ng Ombudsman ang pagbawi sa retirement benefits ni Capil at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anomang posisyon sa gobyerno.
Iginiit din ng Ombudsman na sakaling hindi na maipapataw ang parusang dismissal dahil sa pag-alis ng respondent mula sa serbisyo, ang alternatibong parusa ay multa na katumbas ng kanyang sahod sa loob ng isang taon at maaaring ibawas mula sa kanyang retirement benefits, accrued leave credit o anomang natanggap mula sa kanyang opisina.
Gayundin patuloy na ipapataw ang mga karagdagang parusa na kalakip ng pangunahing parusa.
Samantala, ibinasura naman ng Ombudsman ang kasong administratibo para sa neglect of duty laban kay dating Porac Vice Mayor Francis Tamayo at iba pang miyembro ng Sangguniang Bayan.
Kung babalikan, nauna ng sinuspinde si Capil kasama ang iba pang mga lokal na opisyal matapos mabigo ang mga ito na maayos na mapamahalaan ang pag-iisyu ng business permit at hindi pagtugon sa mga ulat kaugnay sa mga ilegal na aktibidad ng POGO sa kanilang nasasakupan.
Nag-ugat ito sa inihaing reklamong administratibo ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
(JULIET PACOT)
