BUMIBIYAHE SA MT. PROVINCE PINAG-IINGAT NG PNP, LGUs

NAGBABALA ang pamunuan ng Philippine National Police at maging ang lokal na mga opisyal ng gobyerno sa hilagang Luzon, sa mga biyahero at turista na maging maingat at tiyaking nasa kondisyon ang sasakyan bago bumiyahe.

Ito ang naging babala ng mga awtoridad kasunod ng naganap na sakuna sa Mountain Province nitong nakalipas na linggo na ikinamatay ng lima katao habang siyam na iba pa ang malubhang nasugatan nang sumadsad at nahulog sa 50 metrong lalim ng bangin ang kanilang sinasakyan.

Ayon sa report, nangyari ang trahedya dakong alas-10 ng gabi noong Abril 4, 2025, sa Sitio Ampawilen, Barangay Poblacion, Sadanga na ikinamatay ng lima katao.

Ayon sa ulat ng Sadanga Municipal Police Station (MPS), Bureau of Fire Protection (BFP), at ng lokal na pamahalaan ng Sadanga, nawalan ng kontrol ang isang puting Nissan van na may plakang NDA 9883, at nahulog ang nasabing sasakyan sa bangin na may tinatayang 50 metrong lalim at tuluyang bumulusok sa ilog.

Idineklara ni Dr. Irene Limmayog na dead on the spot ang apat na sakay ng van na sina Vance Quinto Hernandez Jr., 45, drayber, taga-Bulacan; Gerardo Navarro, 36; Veronica Hipolito, 36; at isang hindi pa nakikilalang babae na nakasuot ng gray na t-shirt at itim na leggings

Habang si Jay Niño Belando ay idineklara namang dead on arrival sa ospital.

Samantala, kasalukuyang nilalapatan pa ng lunas sa Bontoc General Hospital sina Mary Joy Reyes, 45; Archie Reyes, 25; Cherish Quimpan, 20; Manuel Lap, 26; Elvis Acupan, 25; Ham Sua, 23; Arlette Sarmiento, 23; Christine Cudiamat, 20; at Dan Dacoycoy, 24-anyos.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente, habang naglabas ng paalala ang mga awtoridad na maging maingat sa pagbaybay sa matatarik at madidilim na kalsada, tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan, at iwasan ang pagmamaneho kung pagod o inaantok. Hinihimok din ang lahat ng biyahero, maging ang mga motorista na sundin ang mga alituntunin sa ligtas na paglalakbay upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

(JESSE KABEL RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment