SEN. MARK VILLAR, ISINUSULONG MAS MARAMING DEKALIDAD NA TRABAHO AT PROTEKSYON SA MANGGAGAWA

ISINUSULONG ni Senator Mark Villar ang komprehensibong estratehiya para sa paglikha ng mas maraming dekalidad na trabaho, pagpapalakas ng kasanayan ng mga manggagawa at pagbibigay ng mas matibay na proteksyon sa sektor ng paggawa.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 49.21 milyon ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong Hulyo 2026. Gayunman, nanatili sa mahigit 3.14 milyon ang walang trabaho o katumbas ng anim na porsiyento, habang mahigit 6.33 milyon naman ang underemployed o mga manggagawang nais pang magkaroon ng dagdag na trabaho o oras ng paggawa.

Kinilala rin ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) na nananatiling hamon sa labor market ang kawalan at kakulangan ng trabaho, kaya kailangan ang mga patakarang magsusulong ng pangmatagalan at inklusibong empleyo.

Ayon kay Villar, hindi lamang dami ng nalilikhang trabaho ang dapat maging sukatan ng tagumpay ng mga programa sa empleyo kundi maging ang kalidad ng mga ito, kabilang ang makatarungang sahod, seguridad sa trabaho at oportunidad para sa pag-unlad.

Upang mapalawak ang access sa trabaho, isinusulong niya ang Kabalikat sa Hanapbuhay Act (Senate Bill No. 1272), na naglalayong mabawasan ang gastusin ng mahihirap na naghahanap ng trabaho, at Barangay Skilled Workers Registry Act (Senate Bill No. 1641), na magpapadali sa pagtutugma ng mga bihasang manggagawa sa mga oportunidad sa kanilang komunidad.

Isinusulong din ni Villar ang Workers’ Protection and Skills Development on Digital Economy Job Disruption Act (Senate Bill No. 649) upang mapalakas ang proteksyon at kasanayan ng mga manggagawa sa harap ng epekto ng artificial intelligence at automation sa iba’t ibang industriya.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), mga institusyong pang-edukasyon at pribadong kumpanya upang maiayon ang mga programa sa pagsasanay sa pangangailangan ng mga industriya, kabilang ang manufacturing, information technology, logistics at tourism.

Kabilang din sa kanyang isinusulong ang pagpapalawak ng pagsasanay, oportunidad sa kabuhayan at proteksiyon sa mga freelancer at iba pang manggagawa sa digital economy.

Sa antas ng komunidad, sinabi ni Villar na ipagpapatuloy niya ang MARKAbuhayan, isang buwanang job caravan na naglalayong ilapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga Pilipino.

(DANNY BACOLOD)

25

Related posts

Leave a Comment