(NI ROSE PULGAR)
NATUPAD ng Department of Energy (DoE) ang pangako na walang magaganap na brownout sa araw ng halalan 2019.
Sa ginanap na Post Election Assessment ng DOE, sinabi ni Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella na naging sapat ang suplay ng kuryente noong Lunes (Mayo 13) araw ng botohan.
Sinabi ni Fuentebella, nasa normal status noong araw ng eleksyon na ibig sabihin, ang capacity o ang available na megawatts ay sobra-sobra para sa demand o reserve.
Aniya, kuntento sila sa performance ng energy family, pero sisiyasatin umano nila ang rason ng ilang power interruptions noong kasagsagan ng botohan.
Samantala, pahayag naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang operation ng kanilang transmission facilities ay generally normal, maliban lamang sa nag-iisang outage ng kanilang transformer dahil sa technical equipment issues.
Ito ang 20 MVA transformer sa Daangbantayan sa Cebu, kaya nawalan ng kuryente, ilang oras matapos ang botohan ng alas-7:44 ng gabi.
Noong Mayo 14 ay inilagay ng NGCP sa yellow alert ang Luzon grid dahil sa ilang planta na nagkaaberya.
Pero ipinaliwanag ni Fuentebella na ang ibig sabihin ng yellow alert ay mayroon kuryente, ngunit manipis lamang ang reserba dahil sa mataas na demand.
258