ITO ay makaraan sumipa ang naitalang kita ng Philippine Ports Authorities at makapagrehistro ng malaking operasyon ang mga pantalan sa unang buwan pa lamang ng huling quarter ng 2025.
Ayon sa pamunuan, naniniwala silang posibeng malagpasan nila ang target na revenue dahil sa tuloy-tuloy na matatag na paglago ng kita ng Philippine Ports Authority (PPA) hanggang Oktubre 2025, kaya tiwala ang ahensya na maaabot o mahihigitan nila ang kanilang target ngayong taon.
Sinasabing tumaas ng 10.57% ang kita ng PPA, mula P22.58 bilyon noong 2024 hanggang P24.97 bilyon ngayong 2025. Lumaki rin ng 50.76% ang kanilang net income matapos ang buwis, na umabot sa P10.67 bilyon.
Bunsod umano ito ng pagdami ng mga barko at kargamento, mas mataas na bayad sa pag-iimbak, taripa na nakabase sa dolyar, at mas malakas na kita mula sa regulasyon.
Sa datos ay lumilitaw umano na dumami rin ang kargamento ng 7.47%, umabot sa 262.84 milyong metric tons dahil sa mataas na pangangailangan para sa mga materyales sa konstruksyon, proyekto sa imprastraktura, at pagluluwas ng mga mineral.
Target ng PPA na umabot sa higit 301 milyong metric tons ang papasok na kargamento bago matapos ang kasalukuyang taon.
Samantala, sa operasyon ng mga container, tumaas din ng 11.04% ang container traffic mula sa 7.14 milyong TEUs.
Sa kabuuan, tiwala ang PPA na mahihigitan nila ang kanilang mga target sa operasyon at pananalapi para ngayong taon 2025 habang naghahanda sa mas mataas na target revenues para sa taong 2026.
(JESSE RUIZ)
34
