CAVITE – Walong lungsod at sampung munisipalidad sa lalawigan ang ginawaran ng 2025 Seal of Child-Friendly Local Governance (SCFLG) bilang pagkilala sa kanilang matatag na pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod sa kapakanan, proteksyon, at karapatan ng mga bata.
Kabilang sa walong kinilalang City LGU sa Cavite ay ang Bacoor City, Dasmariñas City, Imus City, General Trias City, Cavite City, Tagaytay City, Trece Martires City, at Carmona City, habang ang 10 munisipalidad naman ay kinabibilangan ng Rosario, Kawit, Noveleta, Tanza, General Mariano Alvarez, Silang, Amadeo, Alfonso, Indang, at Magallanes.
Iginagawad kada taon ang parangal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), katuwang ang Council for the Welfare of Children (CWC), sa mga lokal na pamahalaang nakapasa sa Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA). Sinusuri nito ang iba’t ibang aspeto tulad ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon, proteksyon laban sa abuso at eksploytasyon, at mga programang nagtataguyod ng ligtas at makabuluhang kapaligiran para sa mga kabataan.
Ayon sa DILG Cavite, patunay ang pagkilalang ito na seryoso ang lalawigan sa pagpapalakas ng mga polisiya at programang nakatuon sa mga bata—mula sa pagpapatayo ng child development centers, pagpapalakas ng early childhood care and development programs, pagbibigay ng psychosocial support, hanggang sa mas pinaigting na kampanya laban sa online sexual exploitation of children (OSEC) at iba pang uri ng pang-aabuso.
Pinuri rin ng CWC ang mga LGU sa Cavite dahil sa kanilang patuloy na inobasyon sa child welfare programs, kabilang ang paggamit ng digital systems para sa monitoring ng kaso ng mga bata, mas aktibong partisipasyon ng Sangguniang Kabataan, at mas malawak na community-based interventions.
Inaasahang magsisilbi itong inspirasyon sa iba pang LGU sa bansa upang mas paigtingin ang kanilang commitment sa pagtataguyod ng isang ligtas, suportado, at makataong kapaligiran para sa bawat batang Pilipino.
(SIGFRED ADSUARA)
47
