DUMIRETSO na si Presidential spokesperson Harry Roque kay DOTr Secretary Arthur Tugade upang makuha ang panig ng Philippine Ports Authority kaugnay sa pagpapagawa nito ng 10.835-million peso “infinity pool” at accompanying guest room sa San Fernando City, La Union na ayon sa COA ay “unnecessary.”
Ayon kay Sec. Roque, minarapat niyang kay Secretary Tugade na makipag-ugnayan dahil dedma lang aniya si PPA General Manager JD Santiago sa kanyang tawag.
Tinatayang may sampung beses na ayon kay Sec. Roque niyang sinikap makausap si Santiago pero hindi nito sinasagot ang kanyang tawag.
“Pagdating po sa PPA, ilang beses ko na pong tinawagan si GM Santiago, hindi po ako sinasagot, siguro po, mga sampung beses na akong tumawag sa kanya,” ayon kay Sec. Roque.
Gusto umano sana niyang depensahan ang PPA ukol sa infinity pool ay wala na siyang magagawa kung ayaw naman siyang kausapin ni GM Santiago.
“Nais ko pong depensahan ang kanyang infinity pool, pero kung hindi po niya ako sasagutin, wala po akong magagawa. Sumangguni na po ako kay Secretary Tugade, para sagutin ang tawag ko ni GM Santiago,” anito. (CHRISTIAN DALE)
264 