PPE uniform kahit distance learning TEACHERS: DEPED OVERACTING

HINDI mawari ng mga guro sa lalawigan ng Batangas kung dapat nilang ikalugod ang sumalubong na balita hinggil sa bagong polisiya ng Department of Education (DepEd) kaugnay ng pagpapalit ng kanilang uniporme.

Partikular na tinukoy ng mga guro ang polisiya hinggil sa pagsusuot nila ng personal protective equipment sa loob ng silid-aralan.

Bagamat natutuwa umano sila sa ipinamalas na “malasakit at pag-aalala sa kaligtasan” ng kanilang school division para sa mga guro laban sa nakamamatay ng COVID-19, hindi umano akmang ipasuot sa kanila ang mga personal protective equipment (PPE) kasabay ng facemask, hair cover, gloves at face shield.

Sa tingin ng mga guro, “overacting” na yata ang pagsusuot nila nila ng PPEs dahil nanatili naman ang sistema ng klase sa distance learning at nagsosolo lamang sila sa kanilang mga classroom.

Giit pa nila, paminsan-minsan lamang sila humaharap sa mga magulang para kumuha ng mga modules na gagamitin ng kanilang mga anak.

Wala rin anila silang direct contact sa mga ito dahil kinukuha lamang ng mga ito ang educational learning materials na malayo naman sa kanilang pwesto.

Biro pa ng ilang guro, ligtas nga sila sa virus pero posible umanong magkasakit sila dahil sa init dulot ng PPEs at dahil hindi naman mga aircondition ang kanilang mga classroom.

“Hindi sa Covid mamamatay si guro, kundi sa init ng suot na yan at di naman aircon ang room. Papawisan lang nang sobra tapos matutuyuan pawis sa likod magkakasakit tapos uubuhin at kalaunan ay sasabihin Covid na!,” sambit ng isa sa mga guro.

Ayon naman sa isang guro mula sa bayan ng San Juan, hindi nila alam kung saan galing ang mga naglalakihang PPEs na ipinamahagi sa kanila kasabay ng direktibang nag-aatas sa kanila na isuot ito sa tatlong beses nilang pagre-report sa kanilang mga eskwelahan.

Kinumpirma naman ng DepEd District of San Juan (Batangas) ang pamamahagi ng mga nasabing PPEs na bahagi anila ng P1,800 na nakalaan sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng kanilang mga paaralan.

Ayon pa sa ibang guro, naging katatawanan tuloy sila sa social media dahil mistula silang mga player sa South Korean survival drama na Squid Game. (NILOU DEL CARMEN)

109

Related posts

Leave a Comment