NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa transport groups na huwag munang ituloy ang nakatakda nitong tigil-pasada mula Marso 6 hanggang 12 bilang protesta sa modernization program ng gobyerno.
Sa isang chance interview matapos pangunahan ang paglulunsad ng Hapag Kay PBBM (HAlina’t Magtanim ng Prutas At Gulay sa Barangay Project/ Kadiwa Ay Yaman/ Plants for Bountiful Barangays Movement) sa Luneta, sinabi ng Pangulo na magdurusa lamang ang mga mananakay kapag natuloy ang nasabing tigil-pasada.
Ito’y sa kabila ng sinabi ng Department of Transportation na mayroong contingency plans ang pamahalaan sakali’t mag-collapse ang kanilang pakikipag-usap sa transport groups.
Kumpiyansa naman si Transport Secretary Jaime Bautista na hindi matutuloy ang tigil-pasada matapos ang dayalogo.
Sa kabilang dako, sinabi ng Pangulo na suportado nito ang hakbang na gawing modernisado ang public utility vehicles subalit kailangan ang tamang implementasyon ng polisiya matapos ang makailang ulit na pagtatangka.
Giit ng Chief Executive, kailangan ang transportation modernization dahil makatutulong ito na mabawasan ang gastusin ng mga mananakay.
“Ngunit, sa pag-aaral ko, parang hindi naging maganda ang implementation nung modernization,” ayon sa Pangulo.
“Tama naman yun. Kailangan safe yung mga jeepney, yung mga tricycle, yung mga bus, kailangan safe ‘yan. Pero iba-iba yung naging standards ng kanilang ginawa,” dagdag na wika nito.
Magkagayon man, kontra naman siya sa decommissioning ng mga jeepney lalo pa’t maaari pa itong gamitin.
“May mga luma naman na maganda pa rin, eh. May luma naman na pwede pang gamitin. So baka yun tingnan natin,” ayon sa Pangulo sabay sabing ” Eh kung magandang mag-alaga yung driver?
Maganda yung jeep niya, ‘di pwede pang gamitin ‘yan, safe pa naman.”
Nais din ng Pangulo na pag-usapan muna ang June 30 jeepney phaseout.
Sa ulat, pinalagan ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) nitong Miyerkoles, Pebrero 22, ang panibagong deadline ng Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na Hunyo 30, 2023 para bigyang-daan ang PUV Modernization Program (PUVMP) ng bansa.
Nag-isyu noong Martes, ang LTFRB ng Memorandum Circular 013-2023 na nagsasabing ang bagong deadline sa traditional jeepney phaseout ay magiging sa Hunyo 30, 2023.
Sa pahayag ni Mody Floranda, Piston national president, ang pag-surrender ng mga tsuper sa traditional jeepneys at pagkuha ng modernong jeep ay lalong magpapahirap at magbabaon sa kanila sa utang. (CHRISTIAN DALE)
416