PRESO SA MUNTI NAGBEBENTA PA RIN NG DROGA

ANG inakalang pipitsuging tulak ng ilegal na droga, isa palang big-time na drug dealer na nakabilanggo sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, ayon sa mga operatiba, ilang saglit matapos dakpin ang dalawang tauhan nito sa buy-bust operation sa San Mateo, Rizal.

Bagamat hindi nagawang sumipot ng target na ka-transaksyon ng pulis na nagpanggap na buyer ng droga, arestado naman sa ikinasang anti-illegal drugs operation ang dalawa kataong hindi pinangalanan ng pulisya.

Ayon sa mga operatiba, dinakip ang mga suspek sa aktong pag-aabot ng 25 gramo ng shabu sa loob ng isang sementeryo sa Kambal Road, Barangay Guitnangbayan Dos. Nang inspeksyunin ang motor na gamit ng mga suspek, tumambad ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P7.4 milyon sa utility box ng nasabing sasakyan.

Sa interogasyon, lumalabas na isa palang bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) ang katransaksyon ng mga operatiba, batay sa pag-amin ng dinakip na mga suspek.

Katwiran ng mga suspek, napilitan lang silang pasukin ang kalakalan ng ilegal na droga dahil sa kapos na kita sa kanilang trabaho sa isang upholstery shop.

Patuloy naman ang imbestigasyon para tukuyin ang pinagkukunan ng suplay ng mga suspek na nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. (FERNAN ANGELES)

325

Related posts

Leave a Comment