PRESYO NG FACE SHIELDS SUMIRIT

ILANG araw bago tuluyang ipatupad ang kautusan ng Department of Transportation na pagsusuot ng face shields sa mga pampublikong sasakyan, tumaas na ang presyo nito.
Sa ulat sa Unang Hirit ng GMA, ikinuwento ng ilang tindera sa Divisoria na tumaas na ang presyo mula sa kanilang pinagkukuhanan. Halos P10 bawat isa ang itinaas.

Naunang sinabi ng DOTr kamakailan na mandatory na ang pagsusuot ng face shields sa mga pampublikong sasakyan. Ibig sabihin, hindi lang drivers ang magsusuot pati ang mga sumasakay.

Kahapon nasa P35 ang bawat piraso sa Divisoria, pero ayon sa mga tindera, asahan na tataas ito dahil sa taas ng demand ngayon.

Sa ibang lugar sa Maynila, umaabot ng P40 hanggang P50 ang bentahan nito.

Pero sa San Mateo sa lalawigan ng Rizal, nananatiling P35 ang presyo ng face masks. Marami pa ang mga supply nito sa ngayon at hindi nila muna itataas para mabenta. Tulong na rin umano sa
mga kababayan.

Matatandaang ipinag-utos ng DOTr kamakailan ang mandatory wearing of face shield sa mga pampublikong sasakyan simula sa August 15, 2020.

Ayon sa DOTr, ito ay hindi lamang sa mga lugar na sakop ng Modified Enhanced Community Quarantine, kundi sa buong bansa.

“Ito po ay hindi lang magiging applicable sa Metro Manila—sa buong bansa po ito,” paglilinaw naman ni Transportation Assistant Secretary Goddess Hope Libiran sa panayam sa ABS-CBN
TeleRadyo.

Hindi rin umano ito para lamang sa mga nasa sasakyan na pang-lupa, kundi para sa pangkalahatan.

“Ito po ay applicable sa lahat ng modes of public transportation… maging mga barko, ganoon din po sa eroplano,” dagdag nito.

Pasok din ito kapag sasakay ng tricycle at MRT o LRT.

At bagaman hindi pampublikong sasakyan ang bisikleta, hinihikayat ang mga gumagamit nito na magsuot din ng face shield.

“Alam naman po natin na iyong public transportation po ay napakalaki ang potential na maging transmission vector ng virus… Malaki po iyong risk kasi hindi mo naman po kilala o hindi mo alam
iyong history ng travel ng iba mong mga kasama,” sinabi nito.

Kaugnay naman sa presyo nito, sinabi ni Libirian na plano nilang hilingin sa Department of Trade and Industry na patawan ng price cap ang mga face shields at ipako sa P25 hanggang P30 bawat
isa. (CATHERINE CUETO)

455

Related posts

Leave a Comment