RAPIDO ni PATRICK TULFO
MULING nalagay sa kontrobersya si Sen. Rodante Marcoleta nang magkomento ito hinggil sa Kalayaan Island Group (KIG).
Tila iminungkahi kasi ng senador kamakailan sa isang pagdinig kasama ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na para mas mapadali ang usapan at matapos na ang gulo sa pagitan ng bansa at ng China ay ibigay na lang ang KIG. Kaysa umano isakripisyo ang buhay ng mga naiipit sa nasabing girian, mas mapadadali raw ang usapan kapag ibigay na lang sa China ang gusto nila.
Maraming nagtaasan ng kilay sa pahayag niyang ito na tila mas pabor si Sen. Marcoleta na kunin na ng China ang gusto nila at tumigil na.
Kamakailan nga ay may mga kaparehong pahayag din si Sen. Robin Padilla at ngayon ay nagkakainitan sina Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Alan Peter Cayetano.
Maraming nakapansin na ang mga senador na pawang pumapanig umano sa China ay mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte.
Sabi tuloy ng marami, mukhang nagiging magkaiba ng ipinaglalaban ang taumbayan at ng ilang senador. Ito umano ang mga Pro-Pilipinas na gustong ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas laban sa China, at ang grupo ng mga senador na kampi umano sa China, na pawang mga Pro-Duterte.
Dapat ay gawing malinaw ng mga senador na ito ang kanilang paninindigan sa usapin ng mga pag-aari ng bansa.
Kung patuloy nilang ipagtatanggol ang ginagawa ng China, malamang din na nalalapit na rin ang katapusan ng kanilang career bilang mga politiko sa bansa, na siyang dapat nagpoprotekta sa bansa.
2
