UMAKYAT na sa labinlimang (15) miyembro ng New People’s Army ang napaslang ng military sa naganap na bakbakan sa boundary ng Misamis Oriental at Agusan del Norte.
Ayon sa ulat na ibinahagi ni 402nd Infantry Brigade Philippine Army Commander Brigadier General Faustino Licudine, sampu sa nasabing bilang ay naibaba na, habang ang lima ay inilibing agad dahil nasa state of decomposition na.
Nabatid na ang sagupaan ay bunsod ng inilunsad na opensiba at hot pursuit operation ng military simula nang magkasagupa ang 23rd Infantry Battalion Philippine Army at may 70 NPA sa ilalim ng Guerilla Front 4A.
Nabatid na bago ang muling pagsasagupa ay nagkabakbakan muna ang grupo noong isang araw sa Sitio Likudon, Barangay Kamanikan na nauwi sa hot pursuit operation.
Labing-tatlo sa mga nasawi ay mga lalaking kadre habang dalawang NPA amazon naman ang nakabilang sa mga napaslang ngunit sa ngayon ay dalawa pa lamang ang nakilala sa kanila.
Narekober sa encounter site ng limang matataas na armas, landmines at mga subersibong dokumento.
“May balak silang mag-conduct ng tactical offensive targeting yung mga checkpoints natin dito along Carmen and Magsaysay at yung mga patrol bases po natin dito sa may Gingoog,” ani Gen Licudine.
Patuloy ang pagtugis sa mga nakatakas na rebelde.
Nitong Martes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay siya ng P2 milyong pabuya sa makapapatay ng mga pinuno ng mga rebelde.
Sa kabuuan, nasa 19 NPA ang sumuko habang 22 ang napatay at dalawa ang naresto ng military sa combat operations mula May, 2010 habang nasa 37 high-powered firearms, 10 improvised explosive devices, at 1,262 rounds of assorted ammunition naman ang nasamsam mula sa CTG members. JESSE KABEL
144