2 DATING PULIS ARESTADO SA PAGPATAY SA BEAUTY QUEEN, ISRAELI BF

DALAWANG dating pulis ang dinakip ng mga awtoridad kasama ang isang real estate middleman at isa pang person of interest na hinihinalang sangkot sa pagkawala ng Pampanga beauty pageant candidate na si Geneva Lopez at Israeli fiancé nito na si Yitzhak Cohen, natagpuang naaagnas nang bangkay noong Sabado, Hulyo 6, 2024, sa isang quarry site sa Tarlac.

Kinumpirma nina Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at PNP chief, General Rommel Francisco Marbil ang pagkakaaresto kay Michael Angelo Guiang kaugnay sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act) at RA 9516, at kay Rommel Abuza sa kasong paglabag sa RA 10591.

Sa ikinasang Oplan Paglalansag Omega ng Philippine National Police laban sa private armed groups at kampanya kontra loose firearms, nakasamsam din ang mga pulis ng iba’t ibang armas at granada sa operasyon.

Samantala, kinumpirma naman ni National Bureau of Investigation Director Jaime Santiago na ang mga katawang nadiskubre sa Capas, Tarlac ay ang nawawalang beauty pageant contestant na si Geneva Lopez at Israeli fiancé nitong si Yitzhak Cohen.

Matatandaang nahukay ng mga awtoridad ang bangkay ng dalawa sa bakanteng lote sa quarry site sa Barangay Sta. Lucia sa bayan ng Capas.

Inilunsad ang paghahanap sa mga biktima matapos na mag-isyu ng warrant ang Tarlac City Regional Trial Court-Branch 111 nitong Hulyo 5, 2024

Bukod sa dalawang nag-AWOL na pulis, may iba pang mga indibidwal na iniimbestigahan kaugnay sa kaso.

Huling nakitang buhay ang dalawang biktima nang bisitahin ang lupang bibilhin sana nila sa Capas.

Kinabukasan, nakita ang kanilang SUV na sinunog habang nawawala ang mga biktima.

Una nang kinumpirma ng pamilya ng Mutya ng Pilipinas Pampanga 2024 contestant, na mga gamit ng kanilang kaanak na si Lopez ang nakitang mga sinunog.

Wala pang pahayag ang pamilya ni Lopez at Cohen sa kumpirmasyong ito ng NBI.

Dinala na ang mga labi ng dalawang biktima sa punerarya sa San Vicente, Tarlac at isasailalim sa autopsy examination at DNA testing/analysis.

Magugunitang nawala ang magkasintahan noong Hunyo 21, 2024 makaraang makipagkita sa isang middleman ng lupain na kanila sanang bibilhin. (JESSE KABEL RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment