BENGUET – Patay ang dalawang lalaki habang sugatan ang lima pang pasahero ng Tamaraw FX matapos na salpukin ang nakaparadang closed van, iniulat nitong Lunes ng umaga sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga namatay na sina Melber Caligtan, 32-anyos at Kevin Fermin, 25-anyos, at kapwa residente ng Taloy Sur, Tuba, Benguet.
Sugatan naman sina Komatso Mallari, driver ng sasakyan, 31; Cedrick Pili Dapyawen, 22; Vincent Banao Pacas, 23; Orlando Bayusa Fermin, 47, at Kerwin Bayda, 23-anyos.
Batay sa report ng Tuba Police Station, nangyari ang insidente sa Taloy Sur Proper, Marcos Highway, Tuba, Benguet.
Lumabas sa imbestigasyon, binabaybay ng FX ang pababa at pakurbadang bahagi ng Marcos Highway nang bumangga ito sa closed van na nakaparada sa kalsada.
Sa lakas nang pagkakasalpok, wasak ang harapang bahagi ng FX naging dahilan ng pinsala sa katawan ng mga pasahero nito.
Agad dinala sa Baguio General Hospital and Medical Center ang mga biktima ngunit dead on arrival sina Caligtan at Fermin. (ANNIE PINEDA)
224