TULUYAN nang natuldukan ang operasyon ng tatlong illegal dumpsites sa isang tagong bahagi ng Barangay Dolores, Taytay, Rizal bunsod ng reklamong inihain ng mga residente ng nasabing komunidad.
Sa tulong ng pinagsanib na pwersa ng mga magkakapitbahay at ng lokal na pamahalaan ay nilinis at tuluyang isinara ang tatlong iligal na tambakan ng basura sa Sitio Bato-bato na nakakubli sa likod ng isang malaking gusali.
Ayon kay Vic Badaguas, hepe ng Taytay general services office, sila man ay nagulat sa kanilang dinatnat nang sila ay tumungo sa Sitio Bato-bato, Barangay Dolores para sa isang ocular inspection makaraang maghain ng reklamo ang mga residente sa nasabing lugar.
“Ang nakita namin ay isang kubling tambakan na basura sa dati-rating malalim na bahagi ng Sitio Bato-bato. Sa tagal nang operasyon ng illegal dumpsite na ito, mas mataas pa siya ngayon kaysa sa level ng mga kabahayan,” ani Badaguas sa isang panayam.
Aniya umabot sa 1.7 metro ang lalim ng basurang itinambak sa apat na ektaryang lupain sa likod ng isang kilalang shopping mall.
Lubos din aniya ang panganib sa kalusugan sa mga residente, kabilang ang mga batang kanila pang inabutang naglalaro sa paligid ng naturang iligal na pasilidad na possible rin aniyang pagmulan ng malaking sunog lalo pa’t ang basura ay lumilikha ng methane gas habang tumatagal.
“Shoutout sa `yo ParengKap, unahin mo muna siguro sa iyong mga itineraries ang pagbisita sa iyong nasasakupang sitios kasi malaking problema po itong inyong kakaharapin. Kawawa naman ang kalusugan ng iyong mga residente lalo na ang mga bata… puwedeng pagmulan ng malaking sunog pati ito sir,” pasaring ni Badaguas sa Kapitan ng Barangay Dolores na si Allan de Leon.
Sa isinagawang imbestigasyon ng nasabing tanggapan, lumalabas din aniya na 10 taon na palang nag-ooperate ang tatlong illegal dumpsites, batay na rin sa kanilang pakikipagpulong sa mga residente ng Sitio Bato-bato.
Agad namang ipinag-utos ni Taytay Mayor Joric Gacula na alamin kung sino ang may-ari ng nasabing private dumpsite, mga operator sa likod ng operasyon, maging ang mga protektor sa likod ng iligal na tambakan ng basura, para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga responsable sa likod ng operasyon ng naturang open-pit dumpsite.
Mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act, ang anomang uri ng open-pit dumpsite. Malinaw rin na sinasabi sa nasabing batas ang responsibilidad ng barangay na tiyakin ang pagpapatupad ng RA 9003 sa bawat komunidad lalo pa’t sila ang higit na nakakaalam sa mga kaganapan sa pinakamaliit na unit ng lipunan batay sa Local Government Code. (FERNAN ANGELES)
182