(KIKO CUETO)
KAPAREHO ang ginamit na improvised explosive device (IED) sa pagpapasabog malapit sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu noong Biyernes at sa nangyari sa Jolo Cathedral noong Enero.
Sinabi naman ni Major Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command, na base sa kanilang pagsusuri, lumabas na wala silang nakikitang pinagkaiba sa istilo ng magkakambal na pagsabog sa Jolo Cathedral at sa kambal na pagsabog sa Indanan.
Lumalabas din na cellphone ang ginamit na pang-detonate sa IED.
Patuloy din ang imbestigasyon ng militar at pulisya kung totoong suicide bombers ang dalawa katao na may bitbit na bomba.
Kinukumpirma rin ang kanilang nasyunalidad, dahil ayon kay Sobejana, wala pang Pilipino na naglakas ng loob na pasabugin ang sarili tulad ng ginagawa ng ilang banyagang terorista.
Nasa walo tao ang namatay sa pagsabog sa bayan Indanan, kabilang dito ang tatlong sundalo, ang dalawang may bitbit ng bomba, at tatlong sibilyan.
Sugatan naman ang 22 iba pa, kabilang ang 12 sundalo at 10 sibilyan.
Inako ng Islamic State ang pagpapasabog, ngunit hindi naniniwala rito ang AFP at PNP.
171