(NI SIGFRED ADSUARA)
PINAGHAHANAP ng Cavite police ang tatlong Chinese national matapos na maaresto ang kabaro nila dahil sa pagdukot at pagkulong sa isang 27-anyos na Tsino sa isang bahay sa Kawit, Cavite.
Hawak ngayon ng pulisya ang suspek na si Teddy Lim, 45, binata, Chinese national habang pinaghahanap pa sina Andy Tan, 31 at July Lee, 36, pawang residente ng Block 6, Lot 4 Phase 2 Bay Point Subdivision, Barangay San Sebastian, Kawit, Cavite, at isa pang hindi pa nakilalang Chinese national dahil sa reklamo ni Al Wu Yong, 27, binata, ng Zuelllig Building, Makati City.
Sa ulat ni PSSG Mark Joseph Arayata, ng Kawit Municipal Police Station, nagsasagawa ng police visibility si PSSG Jesthony Galon, dakong alas- 8:45 gamit ang isang mobile car nang mapansin ang biktima na tumatakbo sa kahabaan ng Advincula Road, Brgy. San Sebastian, Kawit, Cavite na nakaposas ang mga kamay dahilan upang dalhin sa presinto para imbestigahan.
Sa salaysay ng biktima sa pamagitan ng electronic translator — dahil Mandarin speaking at hindi marunong magsalita ng English — nalaman na dinukot siya ng kapwa nito Chinese dakong alas -11:00 Sabado ng umaga sa Pasay City subalit dinala at ikinulong ito sa inuupahang bahay ng nga suspek sa Kawit, Cavite at ipinosas.
Hinihingan umano ang biktima ng mga suspek ng malaking halaga kapalit ng kanyang paglaya, gayunman, nakatakas ito sa pamagitan ng pagdaan sa bintana hanggang sa nakita ito ni Gallon na tumatakbo sa nasabing lugar.
Sa isang follow up operation ng Kawit police, agad na naaresto si Lim na positibong kinilala ng biktima na siyang nagmaneho ng isang itim sa SUV na ginamit sa pagdukot.
Hinala ni Arayata na may pagkakautang ang biktima sa mga suspek kaya ito kinidnap na kadalasang modus operandi ng ilang Chinese national na may pagkakautang sa kanila.
Kasong abduction at serious illegal detention ang isinampang kaso laban sa mga suspek.
247