DAVAO DEL SUR NAPASOK NA NG ASF

DAVAO del Sur – Nanatiling ligtas sa African Swine Fever (ASF) ang buong lalawigan ngunit ayon sa Department of Agriculture (DA), nakitaan na ng kaso nito ang bayan ng Sulop.

Inihayag ni Noel Provido, tagapagsalita ng DA sa Region-XI, nag-positibo sa ASF ang blood samples na kinuha sa mga baboy mula sa auction market ng lugar.

Aniya, dinala ang blood samples sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory sa General Santos City kung saan lumitaw na may ASF ang ilang dosenang baboy na nagmula umano sa Davao Occidental, kung saan nagsimula ang outbreak.

“Not necessarily Davao del Sur pero under surveillance sila. My point is, the result of the samples was taken from the auction market kung saan galing sa Davao Occidental ang mga baboy, at that period ‘yan yung hinintay naming ang resulta and we are still confirming the results from Don Marcelino (Davao Occidental).

Base sa ginawang tracing analysis, posibleng nagsimula ang outbreak sa pagbibigay ng mga tira-tirang pagkain sa mga baboy na kontaminado ng ASF.

Ipinag-utos na rin ng lokal na gobyerno ng Sulop, ang pag-suspende sa operasyon ng auction market at pag-disinfect sa buong lugar sa loob ng 30 araw.

Sa karatig na bayan ng Kiblawan, Davao del Sur, naglagay ang lokal na gobyerno ng ASF quarantine checkpoint sa lahat ng entrance at exit points upang masiguro na hindi makapasok sa kanilang lugar ang ASF.

Sinabi ni Mayor Carl Jason Rama, ang mga personahe ng Municipal Agriculture Office kasama ng mga awtoridad, ang magbabantay sa checkpoint na inilagay sa may Tanwalang Bridge, Brgy. Poblacion, Brgy. Bonifacio at Brgy. Molopolo.

Ang Kiblawan ang siyang pinakaunang bayan sa Davao del Sur na naglagay ng quarantine sa ASF.

Nagbigay na rin ng direktiba si Rama na isailalim sa lock-down ang kanilang bayan upang limitahan ang kilos ng mga hayop at hindi maaring katayin kung walang impormasyon sa pinanggalingan nito.

Sa datos ng MAO, may kabuuang 28,070 ang hog population ng bayan.

Naglagay rin ng checkpoint sa mga baboy ang karatig na bayan ng Magsaysay, Davao del Sur.

Ngunit kahit walang kwarentinas, sinisiguro ng lokal na gobyerno na hindi makapasok sa lugar ang ASF.

Mismong si Mayor Arthur Davin ang nagpalabas ng Memorandum Order No. 7 na nag-utos kay Magsaysay Municipal Police Station Chief Major Jeffmar Tercero na maglagay ng checkpoints sa boundaries ng bayan ng Bansalan at Matanao, pawang sa Davao del Sur.

“As a preventive measure against African swine fever outbreak, we have to secure all our hog livestocks here,” ayon sa alkalde.

Ito ang naging hakbang ng mga opisyal matapos magdeklara ang probinsya ng Davao Occidental ng State of Calamity na siyang pinagmulan ng ASF outbreak at pagpasok rin ng ASF sa Davao City.

Ang farm at backyard hog raising ang isa sa pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga tao sa Davao del Sur. (DONDON DINOY)

 

154

Related posts

Leave a Comment