(NI JG Tumbado)
KINONDENA ng isang katutubong komunidad ang ginawang pagdukot at pagpaslang sa kanilang leader na umanoy kagagawan ng New People’s Army (NPA)-Communist Terrorist Group (CTG) sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon sa naiparating na reklamo sa Philippine Army Headquarters sa Southern Luzon Command at sa Occidental Mindoro Provincial Police Office (OMPPO), sa harap mismo ng pamilya ng biktimang si Jose Barera, 47, nang puwersahin umanong kunin ito sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Liberty, Barangay Naibsuan ng pitong armadong NPA Biyernes ng gabi.
Si Barera ay lider ng tribong Hanunuo, isa sa mga komunidad ng Mangyan Indigenous People, na naninirahan sa bulu-bunduking bahagi ng Occidental Mindoro.
Nasaksihan mismo ng chieftain ng tribo na si May-At Luzon at iba pang miyembro ng tribo ang krimen na kung saan kanilang sinabi na parang hayop umanong pinatay si Barera.
“Parang hayop nilang pinatay ang isa sa mga lider ng tribo namin, wala silang mga konsensya. Mabuting tao ito. Akala ko para sila sa tao pero anong ginagawa nila sa amin,” galit na sambit ni Luzon.
Nakita ang bangkay ni Barera, alyas “Gegs”, sa bahagi ng Tumalo River kinabukasan araw ng Sabado na may tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Itinuturong nasa likod ng krimen ang Kilusang Larangang Gerilya-Silangan (KLG Silangan) na pinamumunuan ni Kumander Rosita Serrano, alyas “Ester”, ng Sub-Regional Military Area-4D, na kumikilos sa Silangang bahagi ng Mindoro.
Napag-alaman na si Barera ay dating miyembro ng NPA sa ilalim ng Sangay ng Partido sa kanilang barangay bago nagbalik-loob sa pamahalaan.
Kilala rin umano si Barera bilang tagasuporta ni Congresswoman Josephine Sato at Governor Gene Mendiola na parehong aktibo sa pagbibigay ng pondo at suporta sa Mangyan Community.
Samantala, nanawagan naman sa buong katutubong Aeta si Col. Marceliano Teofilo, ang commander ng 203rd Infantry Brigade-Philippine Army sa Mindoro, na manindigan at labanan ang paghahasik ng terorismo ng CPP-NPA.
Kinondena rin ni Teofilo ang human rights group na “Karapatan” sa patuloy na pananahimik nito sa mga pagpaslang sa mga sibilyan.
315