MANGINGISDA TINODAS NI UTOL SA BUROL

QUEZON – Patay ang isang mangingisda matapos na pukpukin ng bato sa ulo ng kanyang half-brother sa burol ng kanilang tiyuhin sa Barangay Matinik, sa bayan ng Lopez sa lalawigang ito, noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Armin Bulila Dimalibot, 58, residente ng Barangay Matinik.

Ayon sa report ng Lopez police, dakong alas-11:30 ng gabi nang magtalo ang biktima at ang kapatid nito sa ina na si Manny Bulilan Cero sa hindi nabatid na dahilan.

Bunsod nito, nagpasyang umuwi na lamang ang biktima sa kanilang bahay para matigil ang gulo.

Subalit sinundan ito ng suspek at habang naglalakad ay biglang hinampas nito ang biktima sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan gamit ang isang tipak ng bato.

Pagkaraan ay nadiskubre na lamang ng mga kaanak ang wala nang buhay na biktima sa hindi kalayuan sa kanilang bahay.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek at inihahanda ang kasong homicide laban dito.

(NILOU DEL CARMEN)

 

95

Related posts

Leave a Comment