NABIKTIMA NG FAKE NEWS, STRANDED PA RIN SA LAGUNA

bus66

UMAPELA ang lokal na pamahalaan ng Calamba City, Laguna sa pamahalan ng Sorsogon na aksyunan ang mga stranded at nabiktima ng fake news nilang kababayan na ngayon ay nananatili sa bus terminal ng Jac Liner sa Brgy. Turbina, Calamba City.

Halos apat na araw nang nag-aabang ng susundong sasakyan ang may 120 katao para makauwi sa lalawigan ng Sorsogon.

Ito ay matapos nilang umasa na totoo ang ibinalitang balik-probinsya program ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero.

Nagsimulang magdatingan sa nasabing bus terminal ang mga Sorsoganon mula pa noong Martes, Mayo 5.

Ayon sa coordinator ng Local Disaster Risk Reduction Management Office o LDRRMO ng Calamba City, walang abiso ang Sorsogon MDRRMO sa pagdagsa ng mga tao na gustong bumalik sa kanilang probinsya. Ang mga stranded ay mga manggagawa na inabutan ng lockdown sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at mga karatig na probinsya.

Pinabulaanan ng Sorsogon MDRRMO na hinikayat nila ang mga taga Sorsogon na magtungo sa bus terminal sa Laguna para doon sunduin pabalik ng kanilang lalawigan.

Kumalat umano sa Facebook ang anunsyo kaya agad nag-empake ang mga nais umuwi sa sorsogon at nagtungo sa bus terminal sa Calamba para maghintay ng susundong bus.

Itinuring naman itong fake news ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon.

Sa ngayon ay pinagkalooban ng pagkain at inumin ng iba’t ibang grupo tulad ng BFP MIMAROPA, Calamba City PNP at Public Order and Safety Office ang mga stranded na pasahero. CYRILL QUILO

213

Related posts

Leave a Comment