NAGHAMON NG AWAY, BINARIL NG SEKYU

CAVITE – Inoobserbahan sa ospital ang isang lalaki makaraang barilin ng security guard na kanyang hinamon sa isang subdibisyon sa Trece Martires City noong Linggo ng madaling araw.

Nilalapatan ng lunas sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si alyas “Ian” dahil sa tama ng bala sa dibdib mula sa service firearm ng suspek na si alyas “Eddie”.

Ayon sa ulat, naka-duty si Eddie bilang security guard sa Ciudad Adelina, AFP/PNP Housing, sa Brgy. Luciano, Trece Martires City, Cavite, nang dumating ang biktima at ilang kasamahan nito dakong alas-2:30 ng madaling araw.

Sa hindi nabatid na dahilan, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa guardhouse ang biktima at ang suspek na humantong sa kanilang pagsusuntukan.

Pagkaraan ay umuwi ang biktima sa kanilang bahay ngunit bumalik na armado ng kutsilyo at hinamon ang guwardiya.

Akmang sasaksakin ng biktima ang suspek ngunit binaril ito at tinamaan sa dibdib.

Isinugod ang biktima sa ospital habang naaresto naman ang suspek at nakumpiska ang .38 kalibreng baril. (SIGFRED ADSUARA)

51

Related posts

Leave a Comment