PAGKAUBOS NG MANGROVES SA BUENAVISTA, QUEZON INIREKLAMO

WALA nang poprotektang mangroves laban sa bagyo at pagguho ng lupa. Ito ang daing ng mga residente kasama sina Barangay Mabutag Chairman Fernando Dimayuga at Kagawad Maricar Ortiz Fernando ng Barangay Sabang Piris, Buenavista, Quezon dahil umano sa pagpapahukay ng kanilang alkalde. (ITOH SON)

NANAWAGAN sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa pamahalaan ang mga residente ng dalawang Barangay sa Buenavista, Quezon sa pangambang tuluyang mawasak ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.

Sa isang Pulong Balitaan, tinukoy ng mga residente ang sinisirang Mangroves sa Brgy. Sabang Piris at Macaca Coral Reef sa Brgy. Mabutag ng nasabing bayan.

Hinaing ng mga residente, unti-unting sinisira sa paghuhukay at pag-backhoe ng alkalde ng nasabing bayan ang bahagi ng katubigan kung saan naroon ang coral reefs at mga bakawan.

Ayon kina Chairman Fernando Dimayuga ng Brgy. Mabutag, ginigiba ang mga bakawan para may madaanan ang speedboat ng alkalde patungo sa sarili nitong beach resort. Si Dimayuga ay agaran umanong pinasuspinde ng kanilang mayor dahil sa pagtutol sa nasabing gawain sa kanilang lugar.

Nasa higit 100 pamilya ang apektado ng ginagawang pag-demolish kung saan ilang mangingisda ay nawalan ng pinagkakakitaan. Bukod dito, nangangamba ang mga residente na posibleng abutin sila ng tubig dagat dahil ilang metro na lamang ang layo ng lawak ng hinuhukay mula sa mga kabahayan.

Nangangamba sila na bahain kaya high tide o kaya kapag may bagyo at maaari ring gumuho ang kapirasong lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay.

Dumulog na umano sila sa Ombudsman at sa lokal na opisina ng DENR ngunit wala pa ring aksyon kaya nanawagan na rin sila kay Quezon Gov. Angelina Tan na tututukan at solusyunan ang problema.

Pinangangambahan din nila ang buhay ng mga bata na maaaring malunod dahil sa hinukay na lupa. (JOCELYN DOMENDEN)

14

Related posts

Leave a Comment